top of page

Ang Makatang si Benilda sa Bikol

Matagal na panahon ang sinuong namin ni Maam Beni para marating natin ang araw na ito na inilulungsad natin ang kaniyang pang-apat ng aklat, hindi sa Manila, o sa Cebu o sa Davao, kundi sa Naga, an Maugmang Lugar, ang Heart of Bikol ika nga ng manunulat na si Bienvenido Santos. Kung si Bienvenido Santos na isang Kapampangangan ang nagpahiwatig ng ganitong pagtitig sa ating lungsod bilang ang puso ng rehiyon, ano kaya ang tingin ni Benilda na isa ring Santos sa makapangatlong dalaw niya sa syudad ng Naga, ang lungsod ni Ina.


Maaari kayang maging tahanan ng mga makata ang lungsod na ito? Maaari kayang sa pamamagitan ng mga tula at rawitdawit magkaroon ng ibang pagbabanyuhay ang mga buhay nating nagtatagpo-tagpo sa lungsod ng Naga? Iiwan ko bilang mga bukas na tanong ito para sa inyo at para kay Benilda Santos na una kong nakilala sa mga pahina ng libro noong nag-aaral pa lamang ako ng pilosopiya sa seminaryo. Kinilabutan ako sa kaniyang Si Albert Camus sa Aking Mesa, na para bagang hindi na muli akong magiging ako pagkatapos kung mabasa ang tulang ito, ang makata sa harapan ng librong binubuklitbuklit, isang libro marahil ni Camus na pilit na iniintindi an pinag-aaralan ng mala-Sisyphus na personang ang pagpalit, pagbalik ng mga pahina’y inihalintulad sa sumpa ni Sisyphus na pagulungin ang isang bato pataas upang mahulog lamang ito at ulit ulitin ang ganoong takda, ad infinitum. Sinong hindi magdududa sa ganoong pagtinging ipinaloob sa tula ni Benildang siyang ipagpapalagay nating nagbabasa kay Camus. Sumpa ba ang pagpapakadalubhasa, ang pagbabasa? Sumpa ba ang pagsusulat at pagbabasa ng tula na paulit-ulit, laging sinasariwa, laging nanariwa?

Sumpa ba ito kung Biyernes, At Biyaya ito kung Lunes? Hindi ito bugtong na ang sagot ay sahod. Hindi rin ako nagmamakata sa lagay na ito, sapat na sigurong ipakilala ko sa inyo ang tampok na makatang sa maraming pagkakataon ay sinangguni ko rin sa mga personal kong proyektong binatak. Para akong pasyenteng tumungon sa kaniya at humingi ng reseta isang hapon noon sa Katipunan.

Hindi maramot si Benilda kung magpapabasa ka sa kaniya ng tula. Hindi siya maramot sa kaniyang panahon. Pero pakatandaan hindi rin siya maramot sa kaniyang sasabihin at gamit ang kaniyang mga lapis, iisa isahin niya ang mga pinakawalan mong salita, babatakin at ipatitimbang sa iyo ang iyong diwa, ang buod ng ubod, ang tumutubong buto, ang patingi-tinging hininga hanggang sa makita mo ang isang bagong halagahan, isang bagong loob, ang kaymitong hiniwa ng kutsilyo at mula roon maaari mong pagmasdan ang hiwaga ng pag-ibig o ang kawalan nito, ang paglibing sa pusa na parang naglilibing ng alaala, o ang nawawalang ulo ng manika sa nobela ni Rizal o ang huling dighay ng lababong barado na parang naging Amen kay Benilda o ang buwan na nagiging ostiya ng kagampan.

Kayang-kaya niyang kumawala dahil bago siya naging dekana, makata siya, bago siya nagbabad at inuri ang mga pelikula, makata siya, bago siya humarap sa manibela at sa kaniyang eskwela, makata siya, at oo bago siya naging asawa, o ina, o kaibigan, at ngayo’y bagong biyuda, makata siya. At may palagay ako na nauna pa ang kaniyang pagiging makata kaysa sa kaniyang hika.

At may ipagpapalagay rin ako na kung hahatiin natin si Benilda na parang aswang na nagsasadalawa kung namimilog ang buwan, ang taas niyang bahagi’y tiyak na papailanlang, iigpaw sa gitna ng gabi, maglalayag sa pamilyar na mga ruta, at tiyak ako na ito’y magmamakata muna bago manila ng atay -at magtatanong kayo--paano ang naiwang bahagi niya, ang Benilda na nasa lupa, ano bang gagawin ng isa pang bahagi niya? Magtatanong pa ba tayo? Syempre magmamakata pa rin ang bahaging iyon ni Benilda, tutulan nito ang paligid, ang katahimikan, ang mapusyaw na bukangliwayway, ang spag-ibig ng tapat na may katapat na maging maramot, at walang asin o bawang o abo o agwa bendita ang tutunaw, ang gugunaw sa makatang itong ang ruta’y tumungo na sa Bikol. Buong-buo.

Mga kahimanwa, mga kaibigan, ang makatang si Benilda.

(Speech delivered during the book launching of Ruta: Mga Bago at Piling Tula ni Benilda S. Santos last January 23, 2020 at the Instructional Media Center, Ateneo de Naga University. Dr. Santos is a former dean of the School of Humanities in Ateneo de Manila University. An award-winning poet who has won the Palanca and the National Book Awards for her previous poetry collections, Dr. Santos also received The Outstanding Teacher Award from the Metrobank Foundation Inc.)

bottom of page