Asignaturang Agrikultura para sa mag-aaral ng elementarya
By Rowena Sentellas- Agbulos
Teacher I
Himaao Elementary School
Ang Agrikultura ay isa sa mga pangunahing trabaho sa bansang Pilipinas, kung kaya’t mahalagang malaman ng mga mag – aaral ng elementarya ang kahalagahan ng agrikultura sa pang araw – araw na pamumuhay.
Ayon sa pananaliksik ni Maria Cristina A. Elli at Dr. Jhonner D. Ricafort ng Sorsogon State College, ang level of competency ng mga kaguruan sa agrikultura kung susumahin ay 3.12 na siya ring pinakataas na nakuha, ay ang pagpapaliwanag ng kahalagahan ng pagtatanim ng mga puno at punong namumunga, at pagbebenta ng mga buto na maaaring gamitin upang magtanim ng panibagong halaman o puno na kasalukuyang ginagamit o isinasagawa ng mga magsasaka. Pumapangalawa dito ay ang paggamit ng teknolohiya sa pagsasagawa ng sarbey upang malaman ang mahahalagang elemento na kailangang obserbahan sa pagtatanim ng mga puno at mga punong namumunga, pag suplay ng maayos sa pangangailangan ng prutas sa mercado, mga pinagmulan ng mga punong namumunga at mga sikat na orchard farm sa ating bansa. Sa pananaliksik din ni Maria Cristina A. Elli at Dr. Jhonner D. Ricafort, ipinaliwanag nila ang kahalagahan ng maayos na pagtuturo ng asignaturang agrikultura sa mga kabataan.
Mahalagang mapagtuunan ng pansin ang agrikultura sapagkat dito nagmumula ang mga pagkain na isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat isa. Ang asignaturang agrikultura ay isa sa mga dapat pagtuunan ng pansin ng mga kaguruan sapagkat sa pamamagitan nito, dito natin maipapakita na ang agrikultura ay katuwang sa pagpapaunlad ng bansang Pilipinas.
Isa sa pangunahing suliranin ng ating bansa ay ang kakulangan ng suplay sa pagkain sapagkat matindi ang pagtaas ng populasyon sa ating bansa, pagkawala ng mga lupang masasakahan, at ang pagkaubos ng mga magsasaka. Dahil na rin sa kakulangan sa kaalaman ng mga tao lalong lalo na ang mga kabataan tungkol sa asignaturang agrikultura kung kaya’t hinihikayat ng mga kaguruan sa asignaturang agrikultura na lalo pang paigtingin ang pagtuturo sa mga mag-aaral ng elementarya. Ang “gulayan sa paaralan” ay isa sa mga programa ng bawat paaralan sa Pilipinas upang mas lalong mahikayat ang mga kabataan na pagtuunan rin ng pansin ang asignaturang agrikultura.
Ang kaalaman sa asignaturang agrikultura ay makatutulong upang masolusyonan ang kakulangan sa suplay ng pagkain sa ating bansa, sapagkat kung mas mataas ang kaalaman ng mga kabataan o ng mga tao sa agrikultura, mas madadagdagan ang mga taong magbibigay ng atensyon at tutulong sa pagpapalago sa sektor ng agrikultura. Kung maipapaliwanag ng maayos ang kahalagahan ng pag-aaral ng asignaturang agrikultura, tiyak na mas maiingganyo at mahihikayat ang mga mag-aaral na mas lalo pang paghusayan ang pag-aaral ng agrikultura para sa kanilang kinabukasan at kinabukasan ng ating bansa.
Malaking bahagi ng ekonomiya ng ating bansa ay nakadepende sa sektor ng agrikultura. Ito ang nagtataguyod sa malaking porsyento ng ekonomiya dahil ang lahat ng sektor ay sa agrikultura umaasa upang matugunan ang kani-kanilang mga pangangailangan sa pagkain at hilaw na materyales na kinakailangan sa paggawa ng iba’t ibang imprastratura tulad ng mga bahay, paaralan, paliparan, irigasyon, mga planta ng kuryente, at marami pang iba.
Mahalaga ang asignaturang agrikultura sa ating pang araw-araw na pamumuhay kaya dapat natin itong linangin at pagtuunan ng pansin para sa mga susunod na henerasyon. Maaari tayong gumawa ng mga pamamaraan upang mas lalo pang mapaunlad ang ating agrikultura at pati na rin ang ekonomiya ng ating bansa, ngunit dapat tayong magkaisa at magtulungan para tayong lahat ang siyang manginginabang.
Kung ating mapapansin, maraming mga kabataan ang mas pinipili ang kursong nursing, enhinyero, at iba pang mga kursong teknikal kumpara sa kursong may kaugnayan sa agrikultura kung kaya’t mapapansin na kakaunti ang katuwang ng sektor ng agrikultura sa pagpapa-unlad nito sa ating bansa. Nasa isip ng mga kabataan na ang pagsasaka o pagtatanim ay isang mababang uri lamang ng paghahanap-buhay. Marahil hindi nila naiisip na dahil sa mga magsasaka, nagkakaroon tayo ng pagkain sa ating hapagkainan sa araw-araw na pamumuhay. Kung kaya’t ang mga kaguruan ng asignaturang agrikultura ay hinihikayat ang mga mag-aaral sa elementarya na muling bumalik o kaya naman ay matuto sa pagtatanim ng mga halamang gulay, puno, at mga namumungang puno.
Isa sa mga nakikitang dahilan kung bakit nawalan ng interes ang mga kabataan sap ag-aaral ng asignaturang agrikultura ay ang kakulangan sa mga kagamitan na maaaring gamitin sa pagbubungkal ng lupa, pagtatanim, at pag-aani kung kaya’t ang mga guro ay nagnanais na madagdagan ang mga kagamitan sa paaralan na maaaring makatulong o magamit sa pagtatanim ng mga puno at halaman upang manumbalik ang interes at kagustuhan ng mga bata sa pagtatanim at sa signaturingg agrikultura. Sa kabila ng kakulangan sa mga gamitang pagtatanim, ang mga guro ay hindi tumigil o tumitigil sa paghihikayat sa mga bata o mag-aaral na pagtuunang pansin ang agrikultura upang sa mas lalong madagdagan ang suplay ng pagkain at mga hilaw sa materyales sa mga susunod pang henerasyon.
Ang agrikultura o ang pagtatanim ay siyang pangunahing pinagkakakitaan ng mga Pilipino lalong lalo na ang mga nasa probinsya. Hindi lamang ito nila pinagkakakitaan ngunit ang pagtatanim ay ginagawa na rin nilang libangan sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay. Ang agrikultura ay maaaring tumutukoy sa pagtatanim ng mga puno at halaman na makatutulong sa pagsasayos ng temperature sa ting kapaligiran. Ito rin ay maaaring tumutukoy sa mga gulay at prutas, na dahil sa pagtatanim o agrikultura ay napupunan nito ang demand at suplay sa mercado, sa pamayanan, at maging sa kani-kanilang tahanan at pamilya.
Pahalagahan natin ang agrikultura lalong lalo na ang pagtatanim ng mga puno at mga namumungang puno, ang mga magsasaka na walang pagod sa pagtatanim araw-araw sapagkat ito o sila ay ang dahilan kung bakit mayroon tayong pagkain sa ating hapag-kainan sa tuwing tayo ay magsasalo-salo at magsasaya kasama ang ating pamilya araw man o gabi.
Ang mga kaguruan ng asignaturang agrikultura sa elemetarya ay hindi magsasawang magturo at iparating ang kahalagahan nito sa pang araw-araw na pamumuhay sa mga kasalukuyang mag-aaral at sa mga mag-aaral sa susunod pang henerasyon. Nawa’y magkaroon ng maraming kabataang Pilipino ang pumili ng kursong may kinalaman sa Agrkultura upang mas lalo pang umunlad ang ating pamumuhay at ang ekonomiya ng ating bansa.
Comments