top of page

Filipino



Ang lenguaje ay buhay. Ito ay nagbabago. Ngunit ito rin ay namamatay. Para sa isang Filipino ang pagkakaroon ng capabilidad na magkapagsalita sa dalawa o higit pang lenguaje ay isang normal na situacion. Base sa mga hiram na salita matutukoy mo rin kung anong panahon namulat ang isang Filipino.


Halimbawa kung ang isang persona ay huhiram ng mga salita sa Castellano sila ay ipinanganak nuong simula ng taong 1900 pataas. Sila ang ating mga abuelo o abuela na mas pinaiksing salitang lolo at lola.


Nuong panahon naman ng mga Americans. Ang mga taong isinilang yaon ay nag-borrow na ang wikang Filipino sa wikang English. Ang mga concept na wala sa lenguaje ay ginamit na ng ordinariong tao. Tulad na lang ng “computer”, “TV”, “microvave oven”, “antenna”, at marami pang iba.


Pansinin mo, nuong sumiklab ang Korean Pop, may mga ilang salitang Koreanong naidagdag sa kamalayan ng mga tao. Isang ejemplo nito ay “annyeong haseyo” na ang ibig sabihin ay kumusta o hello. Kung gusto mo pang matuto ng iba pa ay tanungin mo lamang ang mga kabataan ngayon. Ang ating mga teen-agers.


Ang wikang Filipino ay isang melting pot ng iba’t ibang mga lenguaje na hango sa mga sinaunang mga tao na napadpad dito sa ating bansa. Sa mga taga India, nariyan ang guro, mukha, dukha, tupa, baril, atbp. Sa mga taga Malaysia at Indonesia, nariyan ang balisa o belisa, kanan, kawal, kulambo o kelambu, atbp. Sa mga taga bansang Arabo at Persia naman nariyan ang hukom, salamat, sultan, atbp. Sa mga taga China naman nariyan ang bihon, biko, bimpo, pakyaw, sitaw, suki, atbp.


Sa dakong hilaga naman, sa Japan nariyan ang tansan, bonsay o bonsai, kimona o kimono, tsunami, atbp. Sa Mexico naman nariyan ang kamote o camotli, kamatis o xitomatl, paruparo o papalotl, atbp. Sa America Latina naman, precisamente sa bansang Peru nariyan ang alpaka o alpaca, pampa, guwano o guano, atbp.


Ayon sa ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, ang wikang Filipino ay lubos na napakayaman at napakahalaga sa bawat mamamayan. Kanyang inihantulad ito sa mga wikang mayabong at tanyag sa buong daigdig. Isa na rito ang wikang Griego. Tayo ay pinaaalahanan rin na mahalin natin ang ating sariling wika. Ani nga niya na, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.”


Mahirap matutunan ang Filipino. Hindi nga ba ang ating mga kababayan na taga Cebu ay mas nais pang magsalita ng wikang Ingles sa halip na Filipino?


Sa aking pinagdaanan sa paaralan hanggang sa pamantasan, laking pasasalamat ko na lamang na ang aking ina ay tubong Quezon. Ang Filpino ay hango sa wikang Tagalog. Nuong aking panahon ang wikang Bikol ay hindi itinuro sa amin.


Iba ang paraan ng pagsulat sa wikang Bikol. Aking napansin na ang mga salitang hiram sa Castellano ay malimit nakasulat sa originalmenteng pagkakasulat sa nabanggit na wika.


Isa pang malaking pasasalamat ko na ako rin ay nag-aral ng wikang Castellano sa pamantasan. Maraming mga asignaturang Castellano ang dapat kong ipasa sa aking cursong Filosofia. At higit pa riyan, sa nabanggit kong cursong Filosofia napagdalubhasaan namin ang Filosofia ng wika. Batay sa pag-aaral, ang pagkakaintindihan lang naman ng dalawang tao o mahigit pa ang pinakamahalaga. Ano nga ba ang ibig mong sabihin? Iyan ang tanong.


Iyong pansinin ang ating mga kapatid na hindi makarinig, sila ay nagkakaintindihan sa pamamagitan ng kumpas ng mga kamay at sa mga galaw at ayos ng daliri.


Tayo bilang tao ay humahanap ng paraan upang maiparating ang ating pakay. Halimbawa na lamang kung ikaw ay isang manlalakbay sa ibang bansa, mayroon ding turo-turo upang makapamili ka ng pagkaing bibilhin.


Sa Balagtasan naman ay hindi papahuli ang ating wika. Ang pag-akyat ng ligaw ng isang lakan sa isang lakambini ay napakagandang palabas at isang awitin sa ating pandinig. Ang karikitan ng binibini. Ang mga nagungusap na mga mata. Ang mahinhin niyang mga ngiti. Ang maaliwalas niyang ugali. Ang masaya niyang mga halakhak. Ang kumikinang niyang buhok. Ang sumasayaw niyang pananalita. Ang makinis niyang kutis. Ang matingkad niyang kayumanging kulay. At ang dagdag pang pagharana ng ginoo sa binibini.


Ang mga tula sa wikang Filipino ay kayang makipagsabayan o hindi kaya ay mahigitan pa ang ibang mga wika sa buong daigdig. Halimbawa na lamang ang paghinto ng sasakyan sa daan. Bababa ba? Bababa.


At sa ating mga awitin, talaga nga namang tayo ay namamangha sa malahuni ng mga ibon ang mga ito. Nakakabighani ang mga tunog. Para tayong nasa kalangitan kasama ng Poong Maykapal.


Sa panghuli lubos-lubos pa ang aking pasasalamat sa wikang Filipino sapagkat nuong ako ay nag-aaral pa sa pamantasan. Ang pinakahuling batayan upang ako ay bigyan ng pahintulot upang makatapos ay aking isinulat sa Filipino. Dahil sa lahat ng mga babasahin o mga isinulat na aklat na aking pinagaralan ay sa Ingles, ang aking guro ay nagmungkahi na hindi ko na kinakailangang ipagtanggol ang aking naisulat na kuro-kuro at pagnilaynilay batay sa mga dalubhasang kanluranin.


Ang aking kalungkutan o pagdadalamhati lamang ay wala akong kakayanan na magsulat sa wikang Bikol. Bagamat iyan ay aking nasambit hindi pa huli ang lahat malay mo balang araw ay makasurat man kita nin maski kadikit na rawitdawit para sa saindo gabos. Sapagkat katulad ng malimit kong isinusulat mas mainam na huwag magsalita ng patapos. Dapat nating tawirin ang tulay kapag ito ay nasa harapan na natin. Upang sa gayon hindi tayo magsisi sa huli.


Comments


bottom of page