Tirona likens Gospel with the feelings of Robredo supporters after election
(Homily of Most Rev. Rolando J. Tria Tirona, OCD, DD, Archbishop of Caceres on the occasion of the Misa ng Pagkaka-isa at Pasasalamat with Vice President Leni Robredo. The Eucharistic celebration was presided by Archbishop Rolando J. Tria Tirona, OCD, DD at the Naga Metropolitan Cathedral, City of Naga on May 10, 2022 . 5:30 in the afternoon.)
Archbishop Tirona: Magandang hapon po sa inyong lahat. Welcome sa ating Cathedral.
Mga kapatid, ipagpaumanhin ninyo pero Di ko talaga matiis o ayokong ipagpaliban pa bakamakalimutan pa...gusto ko lang sabihin o isigaw o ipa-abot at pag sinabi ko, nais ko naulitin ninyo ang sinabi ko.
Ang sasabihin ko mula sa aking puso: Forever Leni, Leni forever!
(Faithful: Forever Leni, Leni forever ! )
Noong nalaman ko po na ako ay ina-anyayahan na magdiwang ng Banal na Misa ng Pasasalamat, gusto ko na ang ebanghelyo ay tungkol sa dalawang naglalakbay sa Emmaus- the journey of the two men going to Emmaus.
Vice President Leni Robredo attends the Misa ng Pasasalamat at Pagkakaisa at the Naga Metropolitan Cathedral on May 10. Caceres Archbishop Rolando J. Tria Tirona presided the Eucharistic celebration. Tirona’s homily echoes Robredo’s message to her supporters - that the fight doesn’t end with the 2022 election, that they would continue the initiatives they started to help the last, the least and the lost or those in the “laylayan” or margins of the society. (Photo credit: Solid Leni Bicol FB page)
Alam ninyo po Emmaus ay seven miles or 14-15 kilometres. Para sa akin ito ay nagsasalamin ng ating mga damdamin ngayon. Ang ebanghelyong ito ay nagsasalamin ng ating nadarama. Ito din ay nagtuturo sa atin ng malalalim at mayayamang aral lalo na sa ating kinatatayuan ngayon.
Ano ba ang narinig natin sa ebanghelyo? Dalawang lalaki, nalulumbay, distraught,downcast at broken hearted. Palayo sila sa Jerusalem.
Ang Jerusalem po ay ang centro ng spirituality ng mga Hudyo. Sila ay patungo sa Emmaus, naguguluhan sila. Di nila maintindihan ang mga naganap na pangyayari. At sa kabigatan ng kanilang mga puso, bigla na lang dumating ang isang lalaki nagtanong: Ano ba ang nararamdaman ninyo? Bakit ba kayo ganyan? Parang bagsak ang mga mukha ninyo. Nanghihina ang inyong Espiritu.
At ang kanilang tinugon: Tungkol ki Hesus ng Nazaret....
Dali-daling ipinaliwanag ng Panginoon na ang lahat ng ito ay nasusulat, ang lahat ng ito ay kalooban ng Diyos.
Hindi lang yan. Pagdating sa isang lugar, sila ay nag salo-salo. At doon, sa pamamagitan ng pagbibiyak ng tinapay at
pagbabahagi ng alak, nabuksan nila ang kanilang mga mata. At nakilala nila ang Panginoon! At kanilang sinabi: Di ba nag-aalab ang puso natin, habang ipina-paliwanag sa atin ang mga Salita ng Diyos? At lalo na noong tayo ay nagsasalo- salo sa lamesa?
You know my brothers and sisters, in the culture of Jesus’ times, the table is a place of peace, of tranquility. Table is a place for relationships. Table is a place where you are asked to be calm. And the table is a place where you have to believe.
At alam natin na pagkatapos ng kanilang salo-salo, sila ay dali-daling bumalik sa Jerusalem punong-puno ng kaligayahan sapagkat natagpuan nila ang Panginoon.
At alam nila sa kaibuturan ng kanilang mga puso, sa mga paliwanag ni Hesus tungkol sa mga naganap sa kanyang buhay, alam nilang may iniwananan na hamon sa kanila.
Mga kapatid, nabanggit ko na ang ebanghelyo ngayon ay nagsasalamin ng ating nararanasan ngayon. Mabigat, ang hirap dalhin. Wag tayong mahiyang aminin: Mabigat. Ang hirap dalhin. Para bagang may tinik sa ating puso. Nalulumbay tayo. Nanghihina tayo. Iba sa atin ay galit! Galit na galit! May kanya-kanya tayong mabibigat na dinadama at iniisip. Di tayo maka paniwala!
Salamat na lang may isang babaeng nagsalita at sinabing:
WAG KAYONG MANGANGAMBA! Ang kabiguan ay di lubos na kabiguan. Ang kabiguan ay mayroon ding pangaral.
WAG KAYONG MANGANGAMBA. MANATILI kayong MAPAYAPA. Sapagkat sa pagiging payapa doon ninyo huhugutin ang lakas ng iyong loob. Ang liwanag ng inyong bagong pananaw lalong-lalo na ang sigla ng iyong espiritu!
At ang babaeng ito ang siya rin namang nag-isip at sabihin : Halika magsama- sama tayo, magsalo-salo tayo sa altar ng Panginoon para maranasan natin ang kabigatan ng ating ginawa, ng ating mga sakripisyo. Makapag-relax naman tayo. Makipagbatian muli tayo. Let us give time to reach out to each other, to comfort each other, to increase our belief in each other.
Yong kabiguan ay naging pagkakataon upang madiskobre natin ang napaka gandang yaman at bunga ng pagsasakripisyo at pagkaka-isa.
Totoo pala na ang mga Pilipino ay kusang nagbibigay ng kanilang panahon, ng kanilang ari-arian mula sa puso upang maglingkod sa ngalan ng katotohanan. Sa ngalan ng katarungan.
Totoo pala na kaya nating pasanin ang anumang kabigatan sa buhay. Kaya pala nating iwanan pansamantala ang ating mga pamilya at trabaho upang magka-isa tayo at ipakita nating na tayo ay isang bayan may mithiin na magpalaganap ng totoo, ng may katarungan at higit sa lahat magpalaganap ng pagmamahal tungo sa mga mahihirap nating kababayan.
At hindi lang yan, sa ating pagsalo-salo sa harap ng altar na ito, sinasabi ng Panginoon: Humayo kayo at ibalita ang mabuting balita. Isigaw ang pag-asa. Isigaw ang katotohanan na tayong lahat ay may kalakasan ng loob.
Tayong lahat ay instrumento ng katotohanan at kabutihan. Hindi pa tapos ang laban. Ang laban sa kasamaan. Ang laban sa mga bagay na hinahayaan bumagal ang paglago natin bilang mga tao at bilang sambayanan.
At napakaganda, na sa kabila ng karanasang ito na masakit, mabigat, mahapdi ay mayroon tayong encouragement, words of comfort, meron tayong kapayapaan.
At binigyan pa tayo ng hamon na tayo pala ay puede pa, lakad pa, kailangang magtrabaho pa.
Sa ganitong mga damdamin tayo ay tinatawag lahat na magpasalamat. We are called to give thanks to God. For all that we have experienced all of these months.
Alam ninyo hindi puedeng magpasalamat sa Diyos ang isang tao ng lubusan kung wala siyang pusong matapat at malinis.
It is only a heart which is clean, pure, noble and good that can truly raise his/her heart to God in thanksgiving and gratitude. And certainly, God will accept this thanksgiving which comes from a peaceful heart. Pusong mapayapa at pusong punong-puno ng pagmamahal at pag-asa.
THANKSGIVING MASS. Vice President Leni Robredo and her daughters Aika and Tricia attend the Misa ng Pagkakaisa at Pasasalamat at the Naga Metropolitan Cathedral on May 10, 2022. (Photo Credit: CCCom)
Minsan naiisip ko, papano magpapasalamat yong ibang nanalo. Samantalang, nanalo sila dahil namigay ng pera.
Alam naman natin na bumaha ng pera sa ating probinsiya. Bumaha ang pera.Katakot - takot na pera. Papano kaya sila magpapasalamat? Puede silang magpasalamat sa kanilang mga alipores at mga alalay. Pero nakakasiguro kayo na wala silang lakas-loob na tumingin sa langit at magpasalamat sa Diyos sapagkat alam nila na ang kanilang ginawa ay di ayon sa kalooban ng Diyos.
Kaya tayo ay may lakas loob na humarap sa Panginoon dahil sa abot ng ating makakaya, sa ating kapakumbabaan ay sinikap nating gampanin ang kalooban ng Diyos na ipalaganap natin kung ano ang totoo, kung ano ang dapat, kung ano ang tama. At wala tayong nilabag sa kalooban ng Diyos.
Charity reigned. Nangibabaw ang pagmamahal.
Naalala ko ang ating kagalang-galang at minamahal na VP Leni. Sabi ko sa kanya: I feel humbled. Because, one time nadinig ko siya sabi niya, please panatilihin natin ang pagmamahal. Unahin natin ang pagmamahal. Medyo na-embarrass ako kasi minsan, kahit na obispo ako ay mapusok ako at may pagka-aktibista rin ako.
Kaya tayong lahat ay nagkakatipon dahil kusa nating binigay ang ating sarili. Walang ipinangako sa ating posisyon. Humugot tayo ng lakas dahil ang ating VP Leni ay naging halimbawa kung papano tayo tatayo sa bayan: may dignidad, may malinis na puso, may katotohanan sa pag -iisip, at may mga kamay na handang yakapin ang mayaman at mahirap.
Kaya nga mga kapatid: wag tayong manghinayang. Mas sinusubok tayo. Mas pinapatalim pa tayo. Mas binibigyan tayo ng lakas dahil sabi nga: HINDI PA TAPOS ANG LABAN!
Sa laban na ito ang ating sandata ay ang ating pananalig sa Diyos. Ang ating sandata ay pagmamahal sa kapwa lalo na sa mga dukha. Ang ating sandata ay ang sandata ay ang pagka-uhaw sa katarungan. Ang ating sandata ang ating pagkaka-isa.
Pagpalain tayo ng Panginoon!
Comentarios