top of page

3:33 ng Umaga

  • Writer: Bicolmail Web Admin
    Bicolmail Web Admin
  • Aug 23
  • 2 min read

Ni Dr. Christian C. Vega


Nasa Bandang Pagbilao na ng maisulat ang obrang ito. Bunga marahil ng mahabang tulog sa biyahe ay naging malinaw at bukas ang isip ng maikatha ang kaisipang ilang araw naring sumubok sa isang desisyon.


Sumisipol na makina, maugong at hirap sa ahon-lusong at kurbada, ramdam ang ilang bahagi ng lubak na kalsada. Taimtim ang tulog ng ilang pasahero, ramdam ang sagad-butong lamig sa loob ng bus sa ilalim ng nagmamadaling drayber.


Ganito maihahalintulad ang isang napakahabang linggo na puno ng diskurso, debate at diskusyon.


Sumipol ang kaisipan sa isang bagong posisyon na matagal ng hindi ang tugon at Desisyon.


Naging, maugong ang pangalan. Pangalang sa ilan ay hindi man lang binigyan ng pagkakakilanlan.


Hirap ang puso, ahon-lusong na toneladang pasan na hindi malampasan ang anumang paglisan.


Ramdam ang kabog sa dibdib, animoy nalulubak sa bakbak ng bagabag.


Subalit sa likod nito ay ang taimtim na pag-iisip na nililirip ang panlalamig sa rikas, kaskas na hindi minsang kumupas.


Bagamat katulad ng nagmamadaling drayber ang sirit ng mapanghusgang lipunan. May ilang dekadang kaibigan ang pumupukol sa puyos ng positibong kompirmasyon.


Itinuring na duwag , nawalan ng tiwala sa iningatang pagsasamahan na pinanaday na halos ng panahon ang pundasyon. Isang iglap lang burado na. Wala ng anghang, wala ng init, naglaho na ang timyas ng kahapon, ang masaklap minantiyahan pa at itinarak na ang taong pamumuno sa pinamumunuan ah ikinunsiderang inperyor.


Sa kabila nito, marapat isaisip na ang anumang pagtalikod ay hindi kaduwagan. Pinapatunayan ang sarili sa sarili hindi sa iba. Huwag matakot magkamali, mainam marahil ito kaysa sa pinepekeng perpeksiyon.


Mabuhay tayo hindi sa pagtanggap ng iba, sapagkat ikakamamatay natin ang kanilang pagbabaliwala. Sa huli, ang tanging makakapagpatigil lang sa atin ay ang pagkakalagot ng ating paghinga. Pahalagahan ang buhay. Tunay na nag iisa lang ito.


Dumagondong ang busina sa adudos ng pagkagat ng preno ni mamang drayber, indikasyon ng isang ligtas na paglalakbay sa paroroonan. Darating din ang iyong panahon, hindi na hilaw, luto na ng karanasan at mandirigma na ng kinabukasan. Sa gabay ng ating Dalangin.

Comments


bottom of page