top of page

Ako

  • Jul 18
  • 2 min read

Ni Dr. Christian C. Vega


Halos mapunit ang damit noon ni Inay sa tuwing luluwas ng baryo patungong bayan. Humahagod sa mura kong katawan ang pinanipis na kawayan na nagsisilbing panakot at ang pagkakaranas na mabuhusan ng isang baldeng tubig na pantugon upang ako ay tumahan. Salat sa paggabay at takot ang bumabalot sa akin sa tuwing may kakulangan na ipaliwanag sa mura kung isip ang ganitong paulit-ulit na sitwasyon.


Namulat sa isang lugar na ang tuntunin at kultura, na sa bawat pagkakamali ay itak ang dadampi sa katawan ng sino man ang makakatunggali. Sugal, sabong at ilan pang sa panahon iyon ay maituturing na illegal ang kitang-kita ng mga mata sa pinamusmos at inosenteng kaisipan. Maramot ang naging tadhana. Lumuwas noon at nakipagsapalaran sa ibang lugar. Sa masikip na espasyo ng sinasakyang dyip ay pinagmamasdan ang buhay na muling kakaharapin. Naranasang lumusong sa paleeg na burak at putik upang makapangangkong at maibenta ng piso ang bawat bigkis, pagbubungkal ng pamain sa pag-asang makabingwit ng isda sa ilog. Mga diskarteng nagtulay sa sa buhay habang nag-aaral at binabagtas ang kilo-kilometrong distansya patungong paaralan. Bagamat produkto ng isang watak na pamilya, malinaw sa aking isip na sa tunay na mga anak ang kanilang atensyon, ito ang pinanghahawakan upang maging matatag ang aking pundasyon. Sa paglalako ng tinapay araw-araw, sa kakarampot na porsyentong naitatabi, nagpapasalamat dahil may iniuuwing tinapay na makakain hanggang gabi. Kayod-kalabaw sa araw ng sabado at linggo, pangangalakal ang inaatupag upang may iduksong sa kakaharaping buhay kinabukasn. Sa kabila ng mga ito, nabigyang pagkakataon sa kolehiyo, kahit pa ang isang pakete ng noodles ay hatiin upang mapagkasya sa isang linggo. Pinilit kahit pikit sa dusa at hirap ay patuloy na umaasa at naniniwalang hindi naman agad maaani ang prutas mula sa itinanim na buto kahapon.


Nasa punto na upang tanggapin ang regalong buhay. Manhid na ang isip at kalamnan sa paulit-ulit na sakripisyo sa sigalot ng pagkakataon. Isang tiyak sa isip. Ito ang pagsubok na kumikilala sa tatag ng pagkatao. Hindi man pare-pareho ang ating landas may sisikat na umaga sa buhay ng lahat. Sapagkat, kapag naubos na ang mali, uusbong ang tama. Mananiwala ka.

Comments


bottom of page