top of page

Ang buto sa daan ng buhay

  • Jul 27
  • 2 min read

Ni Dr. Christian C. Vega


Hindi lahat ng liko ay tanda ng pagkakamali, hindi lahat ng kalsada ay pantay, at hindi lahat ng paglalakbay sa buhay ay madali. May mga landasing mabato, malubak, may mga daang mahaba at nakakapagod, at may mga pagkakataong tila naliligaw tayo sa direksiyon hilaw nating tinatahak. Ngunit sa bawat kambyo at pagliko may pagbabago ng daan, may mga aral na naghihintay upang hubugin ang ating pagkatao.


Si Andres ay isang batang puno ng pangarap. Bata pa lamang siya ay nais na niyang magkaroon ng magandang buhay upang makatulong sa kaniyang pamilya. Lumaki siya sa isang simpleng tahanan kung saan ang bawat biyaya ay pinaghihirapan. Nang siya ay makatapos ng pag-aaral, buong tapang niyang hinarap ang mundo dala ang kaniyang mga pangarap at mga planong nais matupad.


Ngunit hindi naging tulad ng kaniyang inaasahan ang lahat. Ilang beses siyang nabigo sa mga pagkakataong kaniyang sinubukan. May mga trabahong hindi niya natanggap, may mga pagkakataong hindi napansin ang kaniyang kakayahan, at may mga pangarap siyang kailangang ipagpaliban. Dumating ang panahon na inisip niyang baka mali ang kaniyang tinatahak na landas.


Isang araw, habang naglalakad siya pauwi, nakita niya ang kaniyang ama na nagtatanim ng mga punla sa bakuran. Tinanong niya kung bakit tila matagal ang proseso bago lumaki ang mga halaman. Ngumiti ang kaniyang ama at sinabi, “Anak, walang magsasaka ang nagtatanim ngayon at umaasang bukas ay aanihin na niya ang bunga. Ang bawat buto ay nangangailangan ng panahon, pag-aalaga, at pagtitiis bago ito maging isang halamang nagbibigay ng pagkain.” Dagdag pa niya “ngunit ang anumang buto pakakatandaan mo na sa madilim ding bahagi tumutubo at umuusbon”.


Naisip ni Andres na ang kaniyang mga pagsubok ay tulad lamang ng mga butong kaniyang itinatanim. Ang kaniyang mga pagsisikap, pagtitiis, at pagkatuto ay hindi agad nakikita, ngunit unti-unting nagkakaroon ng kahulugan. Hindi pala nasayang ang bawat kabiguan sapagkat iyon ang nagturo sa kaniya ng mga bagay na hindi niya matututunan kung naging madali lamang ang kaniyang paglalakbay.


Lumipas ang mga taon, at dumating ang pagkakataong matagal niyang hinihintay. Ang mga karanasang kaniyang pinagdaanan ang naging daan upang makamit niya ang tagumpay na higit pa sa kaniyang inaasahan. Hindi man niya nakuha ang unang pangarap na kaniyang hiniling, natanggap naman niya ang isang oportunidad na mas angkop sa kaniyang kakayahan at layunin.


Sa huli, naunawaan ni Andres na ang bawat pagbabago ng direksiyon ay hindi palaging kabiguan. Minsan, ang mga liko sa buhay ay redireksyon lamang upang dalhin tayo sa lugar na tunay na para sa atin. Ang mga bagay na matagal nating hinihintay ay dumarating sa tamang panahon. Sapagkat ang anumang pangarap ay maaaring ipagkaloob kapag ang panahon ay ganap nang handa saan mang lupa tutubo ang iyong taglay na buto.

Comments


bottom of page