top of page

Ang Hamon ng Sanggol na Ipinanganak sa Sabsaban

  • Writer: Bicolmail Web Admin
    Bicolmail Web Admin
  • Dec 15, 2023
  • 4 min read


Malapit na ang Pasko. Siguro sabik na sabik na kayo dahil natanggap nyo na malamang ang 13th month bonus ninyo. Nag-umpisa na siguro kayong mamili ng mga regalo para sa inyong mga anak, mga inaanak, mga magulang at mga kaibigan.


Karamihan sa atin, Pasko marahil ang pinakamasayang araw sa buong taon dahil nagsasama-sama ang ating pamilya at mga mahal sa buhay. May masasarap na mga pagkain pagdating ng Noche Buena at may palitan ng mga regalo habang nagkakantahan. Hindi lang mga bata ang masaya kundi pati na rin ang mga may edad na.


Para bagang nakakalimutan natin ang ating problema kung Pasko na okay lang naman. Sa totoo lang, sa hirap ng buhay isang malaking biyaya na may isang araw sa isang taon na lahat ay masaya, mahirap ka man o mayaman.


Aaminin ko na isa ako sa libo-libong tao sa buong mundo na masaya kapag malapit na ang Pasko. Subalit dahil ginagawang komersyal ang Pasko, kung minsan nakakalimutan ng ibang tao ang tunay na kahulugan nito.


Natutuhan ko sa klase nang ako ay nag-aaral pa na naging tao ang Diyos para iligtas ako sa aking mga personal na kasalanan. Tanggap ko yan, walang problema. Pero itinuro rin sa amin ng isang Heswitang pari na dapat may gawin ang bawat tao para maisatuwid ang isang uri ng kasalanan na binibigyan anyo ng mga taong mapang-api, mga taong nagpapayaman sa katiwalian, mga taong walang puso sa mga mahihirap, at mga taong walang sawang inaabuso ang kalikasan.


Dahil sa laganap ang ganitong uri ng kasalanan (social sin, kung tawagin sa wikang Ingles), aaminin ko na isa ako sa unti-unting nawawalan na ng pag-asa na magbabago pa ang ating lipunan para ito ay maging maunlad at makatao.


Sino ba naman ang hindi mawawalan ng pag-asa sa laganap na korapsyon sa gobyerno na hindi mabigyan ng lunas?


Sino ba naman ang hindi mawawalan ng pag-asa sa bagal ng takbo ng gulong ng hustisya sa atin lalo na ang hustisya para sa mahihirap o mga taong walang koneksyon sa mga may kapangyarihan?


Sino ba naman ang hindi mawawalan ng pag-asa sa gitna ng mga balitang patuloy pa rin ang extra-judicial killings (EJK) at pang-aabuso ng karapatang pantao ng mga hindi sumasang-ayon sa ibang patakaran ng gobyerno?


Sino ba naman ang hindi mawawalan ng pag-asa sa hirap ng buhay ng karamihan sa ating mamamayan?


Sino ba naman ang hindi mawawalan ng pag-asa na karamihan sa mga pari at obispo ng Simbahang Katoliko ay hindi magampanan ang kanilang pagiging pastol sa mga nawawalang tupa o mga tupang hirap na hirap na sa buhay?


Subalit nitong mga nakaraang linggo at buwan may mga pangyayari sa ating lipunan na nagdulot sa akin ng bagong pag-asa para mas maging masaya ang aking Pasko.


Una sa lahat, lubos na kagalakan ang aking naramdaman nang pansamantalang makalaya ang dating senadora na si Leila de Lima na halos pitong taon ipinakulong ng nakaraang administrasyon na walang legal na batayan.


Pangalawa, may mga bagong pagsulong sa hanay ng kasalukuyang gobyerno na maaaring papasukin sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) para imbestigahin ang libo-libong mga biktima ng Operasyon Tokhang, ang madugong kampanya ng administrasyon ni Duterte para sugpuin ang problema sa droga.


Pangatlo, ikinagagalak ko ang posisyon ng administrasyon ni Bongbong Marcos na ipaglaban ang soberanya ng bansa laban sa Tsina na walang pagundangang gustong sakupin ang West Philippine Sea na pag-aari natin.


Pang-apat, malaki ang aking pasasalamat sa Mababang Kapulungan (Congress) sa pagbawi nila ng 2024 confidential funds kay VP Sara Duterte na umaabot sa P650 milyon – P500 milyon para sa opisina ng VP at P150 milyon para sa DepEd. Pati ang confidential funds na umaabot sa P125 milyon na ginastos ni VP Sara noong 2022 sa loob ng labing-isang araw ay pinaiimbestigahan na.


Panglima, isang magandang balita na ang Sonshine Media Network International (SMNI), na pag-aari ng isang “Anak ng Diyos” na wanted sa Estados Unidos, na pugad ng fake news at pag-reredtag sa mga kritiko ng gobyerno gaya ng dating VP Robredo at mga aktibista ay iimbestigahin na ng Mababang Kapulungan dahil sa posibleng paglabag nito ng kanilang prangkisa.


Ang mga pangyayaring ito ay nagpapatunay na kayang ipaglaban ng ating kasalukuyang mga tao sa gobyerno ang tama at ang interes ng mga Pilipino kung gugustuhin nila.


Ano ang kaangkupan ng ganitong mga pangyayari sa tunay na kahulugan ng Pasko?


Ang Pasko ay hindi isang okasyon na buhay lang tuwing Disyembre kung kailan binibigyan ng pagpupugay ang pagiging tao ng Diyos. Isang pagkakamali kung hindi natin aangkinin ang misyon ng sanggol na ating pinupuri, ipinagdidiwang at sinasamba.


Ang Pasko ay kuwento ng isang sanggol na ipinanganak sa sabsaban at nang lumaki ay ipinaliwanag ang kanyang misyon sa buhay:


“The Spirit of the Lord is upon me, because He has anointed me to bring glad tidings to the poor. He has sent me to proclaim liberty to captives and recovery of sight to the blind, to let the oppressed go free, to proclaim a year acceptable to the Lord.” Luke 4: 18-19.


Ito ang diwa ng Pasko na dapat buhay sa ating sarili araw-araw at hindi lang tuwing Disyembre.


Ito ang hamon sa atin ng sanggol na ipinanganak sa sabsaban.


MALIGAYANG PASKO SA LAHAT AT ISANG BAGONG TAON NG PUNO NG PAG-ASA!

Comments


bottom of page