top of page

Ang lingguwistikang Filipino: Mala-masusing pagdalumat

By Joe Mari D. Flordeliza


Ang Griyego at Latin ay isa sa umiiral na higanteng wika ng kasaysayan. Hindi ito lingid sa ating kaalaman. Hindi man tayo paham sa kasaysayan ngunit hindi tayo bulag sa nakaraan at lalo hindi kailangan ang pagiging bihasa sa kasaysayan upang matungkusan ang argumentong malinaw pa sa kasaysayan. Ang sibilisasyon ang piping saksi sa ating tinuran. NGunit ano nga ba ang naging dahilan kung bakit hindi o wala sa isa man sa dalawang wikang ito ang naging o itinuring na unibersal na wika? Ang tanging naging papel nila ay gawing batayan upang maunawaan ang mga salita bilang pag-aaral sa etimonolohiya ng salita. Anong ganap? Saan sila nagkulang?


Ang lingguwistika bilang isang larang ng pag-aaral ng wika ay may sariling mekanismo upang tukuyin ang pagbabagong nagaganap sa wika. Ika nga sa ating binasa na mula ponolohiya hanggang pragmatika ay saklaw nito. Isang malawak at tunay na pagsisid sa mundo na “Multiverse” ng wika at kung mahina-hina ka sa pagtanggap ng pagiging dinamiko nito, tunay na mawawala ka sa taglay nitong kapangyarihan. Sabi ko nga sa aking sarili kapag hindi ko nauunawaan ang isang wika, napapabuntong hininga na lamang ako at aking iniuusal sa aking ulirat na, “ Tunay ngang dinamiko ang wika”. Ito na marahil ang isa sa pinakapaborito kong kalikasan ng wika. Idagdag pa natin ang samo at sari nitong mga konseptong pangwika na dapat at tungkulin nating alamin bilang nagpapakadalubhasa sa wika at maging sa larang ng literatura. Sa aking matapat na posisyon, tunay na may relasyon ang wika at kultura sa pag-unawa ng lingguwistika ngunit sa dalawang magkakambal at magkahumpog na ito tila dapat huwag nating isara na dapat maging “Triplet” na sila sapagkat ang kasaysayan at dapat rin maging bahagi ng dalawang relasyong ito. Ang pangit naman kung maging “Third party” siya sa romantikong relasyon kaya gawin na lamang natin siyang kapatid, hindi ba? Para wala ahasan na maganap bagkus taglay nila ang elemento na tunay na magpapaunawa sa ating ng lente ng lingguwistika.


Malinaw nga na dapat may paghahambing sa bawat wika at upang maunawaan kailangan ng pagtanggap sa relasyon ng tatlong ito: ang wika, kultura at kasaysayan. Ito at walang ibang daan upang maging malawak at bukas tayo sa konsepto ng lingguwistika. Tila tamang sabihin sa bahaging ito na dapat magkaroon tayo ng isang atribusyon na pagiging bahagi ng isang “Networking” na kumpanya na may nukleyong pagpapahalaga sa pagiging “ Open-minded”. Werpa! Werpa! Sabi nga nila na nagpapahiwatig ng dalawang kalikasan ng wika: ang pagiging dinamiko at makapangyarian nito. Hindi tayo lumalayo sa punto, ang pagiging masalimuot sa unang malas ng aking punto ay bahagi rin ng pagiging masalimuot ng lingguwistika bilang larang. Sinabi na nga natin na hindi lang ito tungkol sa wika bagkus sa mismo sangkatauhan na siyang gumagamit mismo ng wika.


Dumako tayo sa lente ng wika sa Pilipinas. Tunay masalimuot ang kasaysayan ng pagkakaroon ng wikang Pambansa. Paano ko nasabi? Balikan mo ang kasaysayan. Silipin mong mabuti ang mga ganap bago tayo ngayon nagkaroon ng Wikang Pambansa. NGunit napansin mo ba na maging sa kasalukuyan at nagtatalo pa rin ang mga mamamayang Pilipino sa pagkakaiba ng tatlong ito: Tagalog, Pilipino at Filipino. Subukan mong magtanong kahit sa sampong tao lamang sa Pilipinas kung ano ang ating Wikang Pambansa. Tiyak akong bibida ang tatlong iyan. Ano ang impak o sinasabi nito sa atin? Malinaw! Hindi malinaw sa atin kung ano ang wikang Pambansa kahit na taal na tagapagsalita tayo nito. Masalimuot, hindi ba? Ang punto lamang dito ay payak, bakit nagkakalituhan ang mga Pilipino? Muli, silipin mo ang naging kasaysayan bago ang kolonyalismo hanggang sa kasalukuyan upang malinaw mong maunawaan ang pakikibaka natin maging sa ngayon ng ating Wikang Pambansa. Ito ay bahagi ng lingguwistika. Ang paghahambing sa bawat yugto, kolonyalismo, henerasyon, kultura at iba pang puwede mong ikawing, maunawaan mo lamang ang lawak ng larang na ito. Hindi ito matatapos hanggang may taong gumagamit ng wika at hanggang may umiiral na kultura, palaging may mabubuong kasaysayan; ang lingguwistika ay patuloy na iikot, at patuloy itong iiral. Ang paghahambing at pagsilip sa kasaysayan nito ang tangi at wala ibang paraan upang maunawaan ang saysay nito sa kasalukuyan.


Sa pampinid na punto, ang usapin ng lingguwistika ay hindi usapin lamang sa wika bagkus pati ng kultura at kasaysayan kung kaya ang adyendang pangwika ay DAPAT at PALAGING sumasabay sa mabilis na modernisasyon sapagkat kung hindi, mabubura tayo sa santinakpan at mananatili na lamang tayo na isang malaking marka ng kasaysayan na minsan dumaan at unti-unting naparam tulad ng wikang Griyego at Latin.


Comments


bottom of page