top of page

Ang Mababang Kalidad ng Senado

  • Jun 5
  • 3 min read

Sa loob lamang ng tatlong linggo nang maging presidente ng Senado si Alan Peter Cayetano sa pamamagitan ng power grab, dumarami ang mga Pilipinong nagsasabing bumaba na ang kalidad ng pamamalakad ng Senado. Hindi na nito magampanan ang paggawa ng mga batas na syang mandato nito.


Kapag ang Senado ay hindi na makapaglabas ng mga batas na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan talaga naman magiging bulok na institusyon ito. Maikukumpara ito sa isang “headless chicken” na takbo lang nang takbo na walang direksyon hanggang ito ay mamatay.


Isa ako sa maraming Pilipino na naiinis, nagagalit, nadidismaya sa Senado sa pamumuno ni Cayetano na tinatawag ang sarili na “Ambassador of Jesus Christ.” Totoong hindi perpekto ang Senado bago naging presidente si Cayetano. Subalit napansin ko na sa liderato ni Cayetano nag-umpisa ang problema kung saan mas inuuna ang mga drama at personal na away sa pulitika.


Maraming political analysts o mga manunuri ng pulitika ang may kanya-kanyang paliwanag kung bakit papunta na sa pagkalugmok ang kasalukuyang Senado.


May mga nagsasabing ang pagkawala ng statesmanship ang dahilan kung bakit naging “political theater” o “circus” na ang Senado. Noon ang mga senador ay mga kilalang abogado, mga matatalino, may mga tamang prinsipyo at ang interes ay ang kapakanan ng bansa.


Ngayon daw napalitan na ang Senado ng mga taong walang prinsipyo at ang inuuna ay ang kanilang mga personal na interes at pagbubuo ng political alliances para sa kanilang political survival Sa simpleng pananalita, karamihan sa mga senador ay mga oportunista kaya ang baba na ng kalidad ng diskurso at pamamahala.


Ayon din sa ibang kritiko karamihan sa mga senador ay miyembro ng mga political dynasty, mga magkakapatid na galing sa iilang pamilya. Hindi na raw kinakatawan ng Senado ang tunay na interes ng mga mamamayan kundi ang interes ng mga political dynasty.


Sa tingin ko naman, may bahid ng katotohanan ang mga nasabing dahilan kung bakit walang direksyon ang kasalukuyang Senado.


Para sa akin ang pinakadahilan kung bakit parang “headless chicken” ang Senado na walang direksyon ay dahil may ibang mga nasa mayorya na kasalukuyang may hawak ng kapangyarihan ay may mga diumano kasong kriminal.


Nagsama-sama sa mayorya ang mga ito at wala na silang inatupag nitong nakaraang tatlong linggo sa pamumuno ni Cayetano ay kung paano nila pro-protektahan ang isa’t-isa.


Ang unang ginawa ni Cayetano ay ang pagpatalsik kay Tito Sotto at ang kanyang pagluklok sa sarili bilang Senate President (SP). Binigyan nya ng proteksyon si Bato de la Rosa na nagtatago para lumitaw sa Senado sa eksaktong oras ng botohan para manalo ang mayorya. Dineklara ni Cayetano na parang diktador na “vacant” ang mga committee chairpersons.


Nilinlang din ni Cayetano ang media, ang mamamayan at ang minority bloc sa pamamagitan ng “staged Senate shooting” para makatakas sa Senado ang puganteng si Bato dela Rosa sa tulong din ng isang senador.


Nitong huling linggo ng Mayo pilit iginiit at minamadali ni Cayetano na baguhin ang rules para magbotohan sa panukala ni Senador Rodante Marcoleta ng “online Senate voting.” Layunin ng panukala ni Marcoleta na makapagboto ang mga senador na gaya ni Bato na nagtatago. Dahil dito, nag-walkout ang minority senators bilang protesta.


Nitong unang araw ng Hunyo, kung saan inaresto si Jinggoy Estrada dahil sa plunder case, hindi pinadalo ni Cayetano ang majority senators sa session sa Senado kung saan naghintay ang minority senators ng mahigit dalawang oras kung saan pinutulang pa sila ng airconditioning at Wi-Fi. Napilitang umuwi ang labing-isang minority senators na hindi man lang inabisohan ni Cayetano na gusto niya palang pahintuin ang legislative work bilang pagsuporta kan Jinggoy Estrada.


Inaakusahan ng mga human rights groups si Cayetano ng “maneuvering” nang mapanatili na kontrolado ng Duterte supporters ang bilang ng mga senador para sa nalalapit na impeachment trial ni Sara Duterte.


Makikita ang pagbaba ng tiwala ng taumbayan kay Cayetano bilang isang lider sa mga komentaryo sa radyo, TV at sa social media.


Kung hindi mag-reresign si Cayetano at paulit-ulit niyang gagawin ang Senado na protektor ng mga senador na may mga kasong kriminal tiyak na hindi na makakaahon ang Senado sa komonoy na kinalalagyan nito.

Comments


bottom of page