Ang Problema sa Iglesia ni Cristo

Hindi ako nagtaka sa ginawang demonstrasyon o rally ng Iglesia ni Cristo (INC) nitong nakaraang Lunes, Enero 13, 2025 sa Quirino Grandstand. Ayon sa INC, ang nasabing rally ay panawagan para sa pambansang kapayapaan sa gitna ng hidwaang politikal ng mga lideres ng gobyerno.
Sino ba naman ang kontra o ayaw ng kapayapaan? Wala, maliban na lang siguro sa mga taong ginagamit ang salitang “kapayapaan” sa kanilang pagkilos para maisakatuparan ang kanilang mga politikal na adhikain o interes, na kadalasan ay hindi nila aaminin. Ito ang problemang nakita ko sa ginawang rally ng INC kamakailan lang.
Kilala ang INC sa “bloc voting,” isang sistema na kung saan ang INC ay nag-iisyu ng direktiba sa lahat ng kasapian nito kung sino ang dapat iboto sa ngalan ng pagkakaisa ng simbahan at pag-sunod sa mga alituntunin nito. Sa ganitong sistema, karamihan sa mga botante ay parang mga bulag na sunod-sunuran lang sa kung sino ang dapat iboto ayon sa kagustohan ng liderato ng INC.
Ayon sa Wikipedia, mahalaga para sa INC ang pagkakaisa ng mga miyembro at ng liderato ng simbahan at ito ay ipinapakita ng kasapian sa paraan ng bloc voting.
Sa aking opinyon, ang ganitong patakaran ng INC ay hindi makatarungan at hindi maka-Diyos. Sa totoo lang, ito ay pang-aabuso sa karapatang pantao ng mga miyembro ng INC dahil tinatanggalan sila ng karapatan nilang malayang iboto ang kandidatong gusto nila ayon sa kanilang konsensya.
Kahit sabihin ng INC na walang halong politika ang kanilang rally, malinaw sa akin na ang ginawa nila ay pagpapakita ng oposisyon nila sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
Sa isang pahayag ng pasasalamat ni VP Sara Duterte sa INC, sinabi niya, “Nagpapasalamat ako sa ating mga kapatid sa Iglesia ni Cristo sa inyong patuloy na pagsisikap na maghatid ng pagkakaunawaan at pagkakaisa sa ating mga kababayan.”
Ang pagpapakita ng INC ng kanilang puwersa ay isa ring babala sa mga politikong pabor sa impeachment at tatakbo sa darating na halalan sa Mayo. Ipinakita ng INC na kaya nilang ilaglag ang sino mang kandidato sa paraang hindi pag-endorso sa kanila ng INC.
Ang tanong ng nakararami ay bakit tutol ang INC sa impeachment ni VP Sara Duterte? Bakit ayaw nilang maging accountable si VP Sara Duterte sa confidential funds na hindi niya maipaliwanag kung saan niya ito ginamit?
Napapansin ko sa INC nitong mga nakaraang taon na wala silang posisyon pagdating sa mga sosyal na isyu o kahit mga politikal na isyu na nakakaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipino lalo na yong mga mahihirap o inaapi o nasa laylayan.
Hindi ko naririnig ang pamunuan ng INC na pinupuna ang madugong kampanya ng dating presidente na si Rodrigo Duterte kung saan libo-libong mamamayan ang pinatay sa pamamagitan ng extrajudicial killings.
Hindi ko rin naririnig ang pamunuan ng INC na kinokondena ang militar na diumano ay kasangkot sa pagpatay sa siyam na unyonista noong Marso 7, 2021 na tinaguriang “Bloody Sunday” masaker.
Hindi ko naririnig ang INC na pinupuna ang mga programa ng gobyerno na lumalabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino gaya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Hindi ko rin naririnig ang pamunuan ng INC na magpahayag kung ano ang posisyon nila sa katiwalian sa gobyerno, sa nawawalang confidential funds na nilustay ni VP Sara Duterte, sa pagpatay ng mga nasa midya, sa pagsulong ng POGO, sa pagdakip sa mga aktibista, sa kakulangan ng budget ng PhilHealth at Edukasyon at marami pang iba.
Bakit tameme ang pamunuan ng INC sa ginawang pagbabanta ni VP Sara Duterte sa buhay ni Presidente Bongbong Marcos, sa Unang Ginang at kay Speaker Martin Romualdez?
At kung natatandaan natin, tahimik din ang pamunuan ng INC nang hindi ni-renew ang prangkesa ng ABS-CBN noong 2020 na kung saan 11,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho?
Bakit ganon ang INC? Bakit tahimik at walang paninindigan ang INC sa mga isyung nabanggit na nakaka-apekto sa buhay ng mga Pilipino?
Malinaw naman sa Banal na Kasulatan ang dapat na ginagawa ng isang mananampalataya sa gitna ng kawalan ng hustisya, kahirapan o katiwalian. Gaya ng sinabi ng propetang si Isaias (Isaias 61,1), “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin sapagkat ako’y kanyang hinirang; sinugo niya upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi, upang pagalingin ang mga sugatang-puso, upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila’y lalaya.”
Kung ang INC ay para sa tao, maka-Diyos at para sa bayan, bakit hindi nila ito pinapanindigan sa salita at sa gawa?
Ngayong umiinit ang kasong impeachment laban kay VP Sara Duterte biglang nag-rally ang INC. Ayon sa kanilang tagapagsalita, sinusuportahan lang nila ang sinabi ni Bongbong Marcos na walang magandang kalalabasan ang impeachment ni VP Sara Duterte. Dagdag pa nito, ang kailangan raw ng mga Pilipino ay pagkakaisa para mabigyan ng lunas ang mga problema ng bansa.
Totoong dapat magkaisa ang mga Pilipino pagdating sa pagbigay ng lunas sa problema ng bansa, pero dapat maging tama at
consistent ang INC sa mga panawagan nito. Hindi maaaring ang panawagan nilang magkaisa ay nakabatay sa pagsuporta sa isang taong nilustay ang pera ng bayan. Ang pagkakaisa at kapayapaan ay dapat nakabatay sa hustiya, sa pananagot ng maysala sa anumang krimen natanggap kanyang ginawa. Ang pagkakaisa at kapayapaan ay dapat nakabatay sa prinsipyong “no one is above the law.”
Mas magiging makatotohanan ang INC kung ang panawagan nilang magkaisa ang bayan ay nakabatay sa pag-imbistiga, sa pagkaso at sa pag-impeach sa isang opisyal ng gobyerno na naglustay ng kaban ng bayan.
Sa isang panayam sa telebisyon ng tagapagsalita ng INC, sinabi niya na dapat matoto tayong magpatawad at magkaisa. Mas maganda sana kung sinabi rin ng tagapagsalita na ang taong nagkasala ay marunong magsisi, marunong humingi ng kapatawaran at handang tanggapin ang ano mang kaparusahan na nararapatat sa kanyang kasalanan.
Comments