top of page

Estratehiya sa pagkatuto ng makrong kasanayan sa pagsasalita

Ni Eunice L. Moya


Sa bansang Pilipinas, mayroong karapatang sibil kung saan isa sa mga nakapaloob dito ay ang karapatang makapagsalita. Kung kaya’t malaya ang isang indibidwal na makapagpahayag ng nais na sabihin sa maraming usapin. Ang pagsasalita ay isang paaran upang maipahayag ng bawat isa ang kani-kanilang saloobin, ideya, katwiran, damdamin, kaisipan at kaalaman sa isang taong kinakausap. Ito ang susi sa pakikipagtalastasan sa kapwa tao. Sa pamamagitan ng wika naipapahayag ng tao ang kaniyang saloobin at nakapagpapaliwanag sa pamamagitan ng salita. May mga suliranin na nakaaapekto sa pagsasalita ng isang indibidwal at isa na rito ang kalidad ng tunog ng salita sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.


Ayon kay Clayton (2021), ang pagsasalita ay isang kasanayan bilang akto ng pag-uusap at palitang-kuro ng hindi kukulangin sa dalawang kalahok. Ang mga kalahok ay ang nagsasalita at nakikinig. May nakalaang dalawampu’t limang porsyento para sa gawain ng pagsasalita ang panahon ng isang taong nakikipagtalastasan. Samakatuwid, ang wika ang pangunahing ginagamit sa pagsasalita ng bawat isa. Ito ang nagsisilbing instrumento upang makapagpahayag ng opinyon at kaisipan. Kinikilala ito bilang komunikasyon berbal.


Malaki ang kapakinabangang natatamo ng mga mag-aaral sa pakikilalahok sa mga gawain sa pagsasalita maging ito ay pormal o impormal ngunit sa panahon ng pandemya ay nalimitahan ang pagkakataon ng ilang mag-aaral na matuto ng tamang paraan ng pagsasalita dahil na rin hindi kinailangan sa kanilang pag-aaral lalo na at modular learning ang kanilang pinili. Sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa face-to-face class ay kitang kita ang epekto nito sa mga mag-aaral. May ilan na hindi nagsasalita, may nahihirapang magpahayag ng kani-kanilang saloobin dahil sa hindi buong pahayag, may ilan na nahihiyang ipahayag ang kanilang opinyon dahil sa takot na mapahiya at mayroon naman na hindi alam ang tamang paraan ng pagsasalita lalo na at may himig ito ng kagaspangan. Ito ang suliraning kinakaharap ng maraming guro sa kasalukuyan.


Marapat lamang na isaalang-alang ng guro ang bawat pagkatao ng mga mag-aaral nang sa gayon ay malimitahan sa kung ano ang bibitawan na mga salita, ganoon din sa mag-aaral. Dahil para kay Ghandi, “magsalita lamang kung ito ay nagpapabuti sa katahimikan”. Kinakailangang isaalang-alang ng guro ang pagkatao ng bawat mag-aaral, bawasan ang labis na pagkabahala o pag-aalaga ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paglalahad ng mga aralin mula madali patungo sa mga mahirap. Kailangang panatilihin ang maayos na timbangan ng kawastuhan sa katatasan sa pagsasalita, maglaan ng mga angkop na istimulo sa pagtatamo ng wastong pagsasalita, maaari ring pag-iba-ibahin ang mga kaparaanan ng interaksyon sa klase, tiyaking malinaw ang mga panuto, imonitor ang mga gawain ng mga mag-aaral. Maglaan rin ng sapat na paghahanda para sa pagkaklase, maging sensitibo sa pangangasiwa ng mga pagkakamali sa pagsasalita at higit sa lahat ay ang pagiging modelo.


Ang pagbibigay ng kalayaan na makapagsalita ang bawat mag-aaral ay isa ring mabisang estratehiya upang madebelop ang pagsasalita nito. Sa pagpasok ng mundo ng teknolohiya, marami ang naging ambag nito sa pag-aaral ng kabataan at patuloy pa rin ang komunikasiyon at pagsubaybay ng guro para sa mga mag-aaaral upang magkaroon ng palitan ng ideya hinggil sa aralin. Hindi magiging mahirap ang pagtuturo sa mga mag-aaral ng wastong pagsasalita kung ito ay isasapuso lalo na at bahagi ito ng sinumpaang propesiyon upang makapagbahagi ng karunungan at maging gabay sa lalakbayin ng mga mag-aaral.


Commentaires


bottom of page