top of page

Hindi Pwedeng Lista sa Tubig



Nang mapanood ko kagabi sa telebisyon na pansamantalang nakalaya na ang dating senadora na si Leila de Lima, bigla kong naisip ang naging karanasan ng yumaong aktibista at naging pangulo ng South Africa na si Nelson Mandela.


Gaya ni de Lima na pinag-initan at ipinakulong ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2017 at pansamantalang nakalaya ngayong linggo matapos makaraan ang halos pitong taon sa kulungan, si Mandela naman ay ikinulong ng apartheid na gobyerno ng South Africa sa loob ng dalawampu’t-pitong taon bago siya pinakawalan ni Pangulong F. W. de Clerk noong 1990 na walang ano mang kundisyon.


Ganon pa man, may pagkakaiba ang buhay ni de Lima sa buhay ni Mandela. Magkaiba ang pamilyang kanilang pinagmulan. Magkaiba ang kanilang pinag-aralan. Magkaiba ang kulturang kanilang kinagisnan. Magkaiba ang konteksto kung bakit sila ikinulong. Subalit nagkaisa sila sa kanilang mithiin sa buhay: Walang takot nilang ipinaglaban ang tama at katotohanan, ano mang hirap ang kanilang dinanas, dahil ang kanilang paniniwala ay laging mananaig ang katotohanan. Ito ang pinagtibay ng kanilang mga buhay.


Gaya ng maraming Pilipino, mga emisaryo ng iba’t-ibang bansa at mga pandaigdigang organisasyon, sobrang tuwa ang aking naramdaman sa pansamantalang paglaya ni de Lima.


Iba’t iba rin ang naging reaksyon ng mga Pilipino sa paglaya ni de Lima. May mga taong umiyak sa galak. May mga taong nabigyan ng bagong pag-asa. May mga taong patuloy na sumisigaw ng hustisya para sa mga nakukulong pang mga aktibista. May mga nagpasalamat sa tapang na ipinakita ng hukuman. May mga taong mas naging determinado sa kanilang pakikibaka para sa katarungan.


Para bagang nabunutan ng tinik ang mga Pilipino dahil sa wakas ang isang taong ipinakulong na walang bahid ng kasalanan ay malaya na.


Sa loob ng halos pitong taon, si de Lima ay naging simbulo ng laban ng buong bansa kontra sa panggigipit at pagsasamantala ng estado sa mga inosenteng mamamayan.


Parang komiks na sinubaybayan ng taumbayan ang kwento ng buhay ni de Lima simula nang siya ay ipinakulong ng administrasyon ni Duterte noong 2017.


Alam ng mga Pilipino ang hirap na dinanas ni de Lima at alam ng nakararami na walang batayan ang mga kasong ibinato sa kanya.


Alam ng nakararami na ang mga testigo ng prosekusyon laban kay de Lima ay pinilit at tinakot lamang.


Alam ng nakararami kung sinong presidente at matataas na tao sa gobyerno ang nasa likod ng kanyang pagkakakulong.


Alam ng nakararami kung sinong mga mambabatas sa Konggreso ang bumastos at yumurak sa pagkatao ni de Lima.


Alam ng nakararami kung sinong mga senador ang bumoto na patalsikin siya sa Senado.


At alam din ng mga mamamayan kung sinong mga huwes sa Korte Suprema ang bumoto na si de Lima ay manatiling nakakulong.


Kaya hindi maiwasan na magalit ang mga mulat at may kritikong kaisipan na mga mamamayan. Ito ang naging dahilan kung bakit para sa kanila si de Lima ang naging salamin o simbulo ng kanilang personal na ipinaglalaban lalong-lalo na noong administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo at ni Rodrigo Duterte kung kailan talamak ang katiwalian sa gobyerno at napakarami ang naging biktima sa pamamagitan ng paglabag ng kanilang karapatang pantao.


Ang tanong: Sapat na bang pansamantalang malaya na si de Lima? Sapat na bang ma-dismiss ang kanyang natitirang kaso?


Kung walang mananagot sa isang mapag-abusong pangyayari sa buhay, sa pagawaan o sa isang lipunan, pwedeng maulit muli ito dahil wala naman palang katarungan ang makakamit ng inabuso laban sa taong gumawa ng pang-aabuso. Sa ganyang kalagayan na walang pananagutan, posibleng maging abusado ang taong may kapangyarihan at puno ng galit sa kapwa.


Sa kaso ni de Lima na halos pitong taong ikinulong, binaboy, hindi pinaupo bilang senador, tinanggalan ng mga pribiliheyo, kinontrol ang kanyang pwede at hindi pwedeng gawin bilang isang tao, hindi pwedeng walang managot sa ginawa sa kanya.


Dapat lang managot ang mga taong gobyerno na nag-akusa, nag-dawit kay de Lima sa ilegal na droga sa loob ng Bilibid Prison, at nagpakulong sa kanya nang walang sapat na katibayan. Dapat lagi nating tatandaan na walang katarungan kung walang pananagutan.


Hindi pwedeng lista sa tubig ang halos pitong taong pagkakulong kay de Lima.


Comments


bottom of page