Kung saan makikilala
Ni Dr. Christian C. Vega
Sanga-sanga ang ninanais, animo’y butil ng mais
Iba-iba ang hugis, iisa lang ang patutunguhang matamis
Ganito marahil ang wika ng bansang malaya
Tinatanggap, pinahahalagahan, tumitindig na walang lamya!
May halo man ng ibang lahing banyaga
Sapagkat tayo’y sinakop sa tuwina
Subalit nagkakaisa parin sa lingua franca
Dahil sa patuloy ng pagbigkis ng kultura
Sandata sa pagkakaunawaan, ng mga may malasakit sa lipunan
Pinahahalagahan katulad ng sanggol sa sinapupunan
Ipinaglalaban at ginagamit na instrumento sa pagkakaunawaan
Saan man sa Pilipinas Wikang Filipino’y mananatili magpakailaman!
Saan man mapadpad, tumawid dagat o mangibang bansa
Hindi kailanman ituturing na parang isang basa’
Ang wikang naging tatak ng pagkadakila
Huwag ituring sa nauupos na kandila!
Ito marahil ang selyo ng kahusayan ng Pilipino
Magkaroon man ng bantayog ng modernismo
Mananatiling pagkakakilalan ng bawat patriotiko
Buong tatag na ipinagsisigawang wikang kagat, iaangat!
Comments