top of page

Lokohan

  • 22 hours ago
  • 2 min read

Isa ako sa masugid na nanunuod sa telebisyon ng impeachment trial kahit palagi akong puyat dahil sa magkaibang oras dito sa Amerika at sa Pilipinas. Pinagtiyatiyagaan ko na lang kahit inaantok na ako dahil mahalaga sa akin na malaman at mapag-aralan ang mga dahilan kung bakit dapat ma-impeach si Inday Sara, ang kasalukuyang bise-presidente ng Pilipinas.


Nitong nakaraang impeachment trial may halong katatawanan at galit ang naging reaksyon ko sa mga pangalan na binanggit ng prosekusyon na tumanggap ng confidential funds mula sa bise-presidente.


Para bagang niloloko lang tayo ng bise-presidente. Sa simula, nakakatawa naman talaga ang mga pangalan dahil parang hinugot lang sila sa isang menu list ng isang restaurant o grocery list pagkatapos nilagyan ng pangalan para mag-mukhang totoo gaya ng Jay Kamote, Ralph Bacon, Matthew Keso, at Minggy Mango. Feeling ko lang, fake ang mga ito.


Nandyan din ang mga pangalan na kapareho ng mga apelyido ng mga politiko gaya ng Beth Revilla, Clarisse Hontiveros, Diane Maple Lapid, John Lapid Jr, Jose Diokno Jr, Denise Tanya Escudero at Kristine Applegate Estrada. Bakit kaya naisipan ng bise-presidente na gamitin ang mga apelyido ng mga politiko sa sarkastikong paraan?


At ito pa ang mga nakakatawang pangalan ng iba pang mga payees: Mary Grace Piattos, Patty Ting, Alejandro Pikit, Andy Lim, Beverly Pampano, Gabriel Bisaya, Salah Casim, Xiaome Ocho, Kokoy Villamin, Geraldine Omoy, Sisfrunio Balsac at iba pa na pawang mga pangalan na gawa-gawa lamang.


Hindi ko maiwasang isipin na ang mga pangalang nabanggit ay parang pinulot lang sa isang script ng isang comedy show or brand. At bakit ginawa ito ni Inday Sara? Dahil akala nya hindi siya saklaw ng batas o wala siyang pakialam sa batas.


Kahit pa ba sabihin nila na mga aliases ang mga ito, masyado naman halatang hindi nila sineseryoso ang paggamit ng confidential funds na galing sa kaban ng bayan.


Akala ni Inday Sara kaya niyang malusotan ang batas.


Akala ni Inday Sara siya ay mataas sa batas.


Akala ni Inday Sara siya ay untouchable dahil parte siya ng Duterte dynasty.


Akala ni Inday Sara siya ay hindi mapapanagot dahil siya ang bise-presidente


Akala ni Inday Sara wala siyang pananagutan sa pera ng bayan.


Sa madaling salita, hindi sineryoso ni Inday Sara o hindi niya sinunod sa tamang paraan ang paggamit ng confidential funds. Ang paggamit niya ng mga pangalan na hindi kapani-paniwala ay naging kombinasyon ng komedya at hindi pagseryoso sa kanyang responsibilidad na maging accountable sa paggamit ng pera ng bayan.


Ang tanong ay kanino talaga napunta ang milyon-milyong pera ng bayan na di umano ay tinaggap ng mga pekeng recipients na walang opisyal na record mula saPhilippine Statistics Authority (PSA)?


Oo, natawa ako na banggitin ni Lorna Kapunan, isa sa mga prosecutor, na isa sa mga tumanggap ng confidential funds ay nangangalang Andy Lim (translated in Pilipino as “it’s dark” – isang word play na may halong biro). Subalit nainis at nagalit din ako dahil milyon-milyong pera ng bayan ang isyu sa impeachment trial at tila baga niloloko lang tayo ni Inday Sara.


Sino ang hindi magagalit?

Comments


bottom of page