Masarig
- 3 days ago
- 2 min read
Ni Dr. Christian C. Vega
Sa paglalakbay na ito may isang nais sainyong ipaalala huwag matakot na maligaw at magkamali. Sa bawat maling liko, pagkakadapa, pagkakasubsob, pagkakalugmok at ang mga pagkakataong tila nawawala sa direksiyon ay kadalasang nagiging daan upang matagpuan ang tunay nating layunin. Huwag mangamba, sapagkat kung ang paglangoy ay ang nagpapaisda sa isda, ang mga binanggit hindi lumulunod sa tao kundi ang nagpapatao sa tao.
Hindi pare-pareho ang biyahe natin. May mga nauuna, may mga nahuhuli, may mga mabilis, at may mga kinakailangang huminto upang maghilom. Ngunit ang halaga ng isang buhay ay hindi nasusukat sa bilis ng pagdating kundi sa tapang ng pagpapatuloy.
Ang araw na ito maraming dahilan at alaalang magpapangiti. Sino ba naman ang makalilimot sa mga araw na tila telenobela ang inyong buhay? Ang mga panahong kinailangan nating maging masarig—matatag at handa sa kabila ng mga hindi inaasahang pagkakataon. Ito ay hindi kahihiyan. Ito ay patunay ng inyong katatagan, pagkamalikhain, pagkukusa at kakayahang bumangon.
At habang pinapanday ang hinaharap, alalahanin natin na ang hininga ng karanasang ito ang nagdudugtong sa bawat henerasyon. Pangarap na tinutupad na katas ng pagpapagal at sakripisyo. Ang inyong tagumpay ay may bakas ng pawis ng inyong mga magulang, gabay ng inyong mga guro, at pagmamahal ng mga taong naniwala sa inyo kahit noong kayo mismo ay nagdududa sa inyong kakayahan.
Klaro ang tema. Class of 2026 Values-Driven Workforce, Digitally Inclined Lifelong Learners. Dalhin hindi lamang ang talino kundi pati ang dangal, malasakit, at pagkatao. Sa panahong mabilis ang pagbabago at teknolohiya ang humuhubog sa mundo, huwag hayaang mawala ang inyong kakayahang maging tao para sa kapwa. Lumikha, lumaban, at lumipad.
Sa mundong laganap ang kadiliman, araw-araw tayong hinahamon kung saan tayo papanig. Sa panahon ng sigalot, ng sakuna, at maging sa mga pagkakataong ang paaralan dapat ay tahanang ligtas ay nagiging pugad pa ng karahasan, piliin ninyong maging bahagi ng kuwento ng pag-asa. Huwag lamang maging saksi sa pagbabago; maging dahilan kayo nito.
Lumaban sa pagkalimot at panandaliang lunas. Huwag kakalimutan ang mga aral ng nakaraan at huwag hayaang maghilom ang lipunan nang hindi natututo sa mga sugat nito. Dalhin ninyo ang alaala ng mga pakikibaka at tagumpay bilang gabay sa paghubog ng isang mas makatarungan at makataong kinabukasan.
At kung may isang bagay na ipinamalas ang bawat magtatapos, ito ay ang kapangyarihan ng bayanihan. Salat man sa marami, alam nating kapag may nangangailangan, may isang handang magbahagi ng kung anong mayroon. Sa kakapusan, natututuhang maging mapagbigay. Sa kahirapan, natutong magdamayan at sa gitna ng unos, natutuhang walang sinuman ang dapat maglakbay nang nag-iisa.
Ang pagtatapos na ito ay hindi tuldok kundi kuwit lamang. Marami pa kayong haharaping hamon, maraming bundok pang aakyatin, at maraming pangarap ang hahabulin. Ngunit ngayong araw, bago kayo tuluyang humayo tungo sa susunod na yugto, nais kong ipaabot sa inyo ang isang katiyakan:
Hindi man pare-pareho ang inyong landas, iisa ang inyong kakayahan—ang maging tanglaw sa panahong may dilim, pag-asa sa panahong mahirap, at inspirasyon sa panahong sumusuko na ang iba.
Mabuhay kayo! Patuloy na mangarap. Patuloy na maglingkod. Patuloy na magmahal.
Maligayang bati sa bagong tagapaglikha ng kinabukasan! Maraming Salamat dahil may isang minsan…














Comments