top of page

May mga awit na hindi napapakinggan

Ni Dr. Christian C. Vega


Minsan may mga awit na hindi napapakinggan. May mga panahon na gaya tayo ng mga kuliglig sa gabi, malaya man pero hindi alam kung saan huhuni. May mga pagkakataong lugmok tayo sa hirap. Hinahampas ng tadhana, dinudukha ng madla. Ang pinakamagandang isipin, na kahit ang awit man ay hindi napakinggan ay may mga ritmo paring nagsasayawan. Buo parin ang nota, may sulpaduhang ga pa nga, na sa kalaaunay maaaring maging komposisyon sa tuwina. Hindi man makahuni, malaya parin ang isip at guni-guni.


Ipinaparating lamang ng mga batayang prinsipyong ito, na hindi nangibabaw ang takot, bagkos mas pinili ninyong magpatuloy. Nakakagulat man ang multo ng realidad ngunit ito ang magpapanday sa diwa at talingkas ng talino. Sisirin natin ang kaibuturan ng dagat ng karunungan. Patatagin ang bawat kasanayan. Maging positibo sa lahat ng pagkakamali, dahil ang kahulugan ng kagandahan ay ang kaakuhan, hindi natin kailangan na matanggap ng karamihan, ang kinakailangan ay ang malinaw na katanggapan sa ating sarili. Sapagkat kung tayo ay may kakayahang magmahal, unang mahalin ang sarili bago ang kapwa. Kadalasan kasi mas napapakinggan ni mamang drayber ang mga katagang “bayad po” kaysa sa “manong para po sa kanto”.


Hayaan ninyong ang inyong pag-unlad sa edukasyon ay hindi maging daan upang libakin ang iba. Dahil kapag naitigil na ang mga mali, uusbong ang tama! Hindi mo man makuha sa ngayon ang lahat ng medalya, karangalan at gantimpalang iyong gusto, manatili paring mapagbigay, sapagkat ikaw ay nakapag-ambag sa karunungan! Dahil ang pag-ibig mo sa iyong sarili ay ang pagmamahal mo rin sa iba. Mabago man tayo sa kung ano man ang ating naabot, hindi magiging dahilan ito ng ating kabawasan. Dahil ang binuo nating pamilya sa pamantasang ito ay ang pundasyon ng ating pagkatao.


Samakatuwid, ang lahat ng hinagpis, pait at sakit na inyong naramdaman ay ang puhunan ng ating tatag at pagbabago sa kinabukasan. Maligayang bati sa inyong pagtatapos, nawa’y maging biyaya kayo para sa iba! Dios Mabalos sa gabus. Magandang araw! Hiraya Manawari!

Comments


bottom of page