Mga Babae Noon at Ngayon
Ni Aida B. Cirujales
Ang mga babae noon ay ibang-iba talaga
Nasa bahay lamang taga-luto at taga-laba
Taga-plantsa, taga-linis at marami pang iba
Ayaw papag-aralin at mag-aasawa lang sila
Kung minsan ayaw na payagang mag-asawa
Ang gusto magsilbi habang buhay sa pamilya
Hanggang sa umabot sa pagtandang dalaga
Walang nag-alaga nang uugud-ugod na sila
Ang mga babae noon hindi hawak ang sarili
Kaya kadalasan ipinagkakasundo pa sa lalaki
Ng mga magulang na hindi man lang iniintindi
Na baka sa pagsasama maghirap nang matindi
Ikaw man kaya ang ipakasal sa lalaki nang pilit
Ni wala man lamang pagmamahal at pag-ibig
Mamumuhay lamang na nagdurusa at mapait
Pagsasama ay mapakla dahil mayroong galit
Sila noon di makahwak ng pwesto sa gobyerno
Dahil minamaliit ang kakayahan nila nang husto
Pambahay lang daw taga-silbi sa kanilang esposo
Taga-alaga ng mga anak kaya lusyang nang tutuo
Subalit ngayon ang mga babae ibang-iba na sila
Nagsisikap na sa pag-aaral maraming titulado na
Hindi na pangbahay lamang bagkus pang-opisina
Pinuno, director, president ng bansa ay pwede pa
Malaya na rin sa ngayon ang mga kababaihan
Pwede na silang mamili ng lalaking napupusuan
Na hindi na pinakikialaman ng mga magulang
Ligaya o lungkot dahil ginusto walang sisisihan
Kung ano ang kayang gawin nitong mga lalaki
Kayang-kaya na ring gawin nitong mga babae
Kadalasan mas magagaling pa,talino’y matitindi
Kaya ang mga lalaki ngayon dapat maghunos dili
Sa ngayong pagdiriwang nitong mga kababaihan
Hindi lang sa nasyonal kundi pang-intenasyonal
Ang magagaling na kababaihan dapat papurihan
Saluduhan, lalo ang maraming nagawa sa bayan
Bigyan din ng papuri mga naging ina at asawa
Mga naging uliran sa pamamalakad sa pamilya
Mga huwarang emleyado at tagapaglingkod pa
Mga kaibigan at kapitbahay na tutularan talaga
Comments