top of page

Nasaan ang Paninindigan?



Isa sa mga pinakamainit na isyu na pinag-uusapan sa ating bansa ngayon ay kung dapat bang imbestigahin ng International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas dahil sa mahigit na 6,000 Pilipino, ayon mismo sa alagad ng batas, na pinatay o namatay noong madugong kampanya laban sa droga sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Duterte.


Ang hindi ko maunawaan sa ating mga mambabatas ay tila takot na takot silang imbestigahin ng ICC ang mahigit na 6,000 Pilipino na “nanlaban daw” sa mga pulis kaya sila pinatay.


Ang tanong: Naniniwala ba kayo na lahat ng 6,000 na pinatay ng pulis ay nanlaban?


Batay sa aking mga nababasa, dalawa ang lumalabas na dahilan kung bakit ayaw ng ating mga mambabatas na papasukin ang ICC sa Pilipinas: Una, gumagana naman daw ang ating hukuman (justice system); pangalawa, labag sa soberaniya ng Pilipinas na imbestigahin ito ng ICC na isang banyagang organisasyon.


Ipapaubaya ko sa paghuhusga ng mga mambabasa kung talagang gumagana ang hustisya sa ating bansa.


Ipapaubaya ko rin sa paghuhusga ng mga mambabasa kung labag sa soberaniya ng Pilipinas na imbestigahin ng ICC ang mga pinatay noong panahon ng “war on drugs” ni Duterte.


Ang gusto kong bigyan ng diin o pansin ay ang hindi pagtupad ng ating mga mambabatas sa mga tratado (treaty) o kasunduan na ating pinagtibay bilang isang bansang may dangal at tumutupad sa kasunduan.


Isa sa mga kasunduan na pinagtibay ng Pilipinas ay ang Rome Statute of the International Criminal Court noong Agosto 30, 2011. Labing-pitong senador ang lumagda sa kasunduang ito kabilang sina Juan Ponce Enrile, Ferdinand Marcos Jr. at Jinggoy Estrada.


Ngayong gustong imbestigahin ng ICC ang Pilipinas bakit biglang kinokontra nina Enrile, Marcos Jr. at Estrada ang mga nilalaman ng kasunduang kanilang nilagdaan?


May kasabihan tayong mga Pilipino: “Pag gusto may paraan, pag ayaw maraming dahilan.”


Tila may grupo ng mga mambabatas na gagawa ng kung ano-anong dahilan huwag lang maimbestiga ng ICC ang madugong giyera laban sa droga noong panahon ni Duterte.


Sabi ni Enrile, “I’m telling you, as a lawyer of the President, as far as I’m concerned, I will not recognize the jurisdiction of the ICC...If they will come here, if I were to be followed, I will cause their arrest.”


Dagdag naman ni Presidente Marcos, “My position has not changed. I have stated it often, even before I took office as president, that there are many questions about (ICC’s) jurisdiction and what we in the Philippines regard as an intrusion into our internal matters and a threat to our sovereignty.”


Si Estrada naman, gaya ni Gloria Arroyo sa Mababang Kapulungan, ay nag-file ng Senate Resolution No.492 kamakailan lang at nanawagan ng pag-kontra sa pag-imbestiga ng ICC sa alegasyon ng mga krimen laban sa sangkataohan (crime against humanity) noong panahon ni Duterte.


Bakit lumagda sina Enrile, Marcos Jr. at Estrada sa kasunduan o tratado ng Rome Statute noong 2011 na hindi pala nila alam ang kanilang nilagdaan? Binasa ba nila ang mga nakasulat sa kasunduan? Hindi ba nila alam na kahit hindi na miyembro ang Pilipinas sa ICC ay maaari pa rin itong imbestigahin ng ICC sa posibleng krimen, gaya ng krimen laban sa sangkataohan, na naganap sa pagitan ng taong 2011 na miyembro pa ang Pilipinas sa ICC at taong 2019 nang umalis ang Pilipinas sa ICC?


Mayroon din naman mga mambabatas gaya nina Senador Robinhood Padilla, Bong Go, Bato dela Rosa, dating Presidente Gloria Arroyo, Representante Richard Gomez at marami pang iba na wala pa ngang pinapangalanan ang ICC kung sino ang kanilang kakasohan ay ipinapahayag na nila ang kanilang buong pag-depensa kay Duterte.


Bakit si Duterte pa ang gustong protektahan ng ating mga mambabatas sa halip na ipaglaban nila na bigyan ng hustisya ang mahigit na 6,000 kababayan nating pinatay?


Hindi ako dalubhasa sa pagsusuri ng kaisipan na mga mambabatas na biglang nakakalimutan ang kanilang obligasyon sa kanilang mga nilagdaang kasunduan o sa mga bumoto sa kanila. Subalit nauunawan ko – kahit hindi ako sumasang-ayon – kung bakit may mga mambabatas na mas mahalaga sa kanila ang kanilang “political survival” kaysa mabigyan ng hustisya ang mga namatay noong giyera laban sa droga ni Duterte.


Sa aking opinyon, bale wala sa mga mambabatas na ito kung mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng extra-judicial killlings (EJK)s noong panahon ni Duterte. Para bang wala silang pakialam dahil hindi naman sila ang namatayan.


Mabibilang sa aking daliri ang mga mambabatas na sumusuporta sa pag-imbestiga ng ICC sa mga naging biktima ng giyera laban sa droga. Bakit ganon? Akala ko ba ang laging interes ng mga mambabatas ay ang kapakanan ng mga mamamayan lalo na yong mga mahihirap na walang-awang pinaslang ng mga pulis?


Gaya ng sinasabi ng mga nakararami, kung walang masamang ginawa ang pamahalaan o si Duterte nong panahon ng giyera laban sa droga, ano ang ikinatatakot ng mga mambabatas? Bakit hindi sila manawagan ng katarungan?


Palusot na lang sa tingin ko ang mga panukala ni Arroyo at ni Estrada o ang mga pananakot ni Enrile at ang paninindigan ni Marcos Jr. na pagyurak sa sobereniya ng Pilipinas kung iimbestigahin ng ICC ang mahigit na 6,000 kababayan nating pinatay, na ang kalahatan ay hindi kayang kumuha ng abogado.


Anong nangyari sa ating mga mambabatas na ang bukangbibig sa oras ng kampanya ay ang makapaglingkod sa sambayanan, lalo na yong mga mahihirap?


Nasaan ang paninindigan ng ating mga mambabatas?

Comments


bottom of page