Pagpapalaya sa sarili, sa pamayanan, at sa bayan
Ni Dr. Ernesto D. Doloso Jr.
Hindi lingid sa ating kaalaman bilang mga Pilipino na ang ating wika ay di lamang nagiging daluyan ng isang makabuluhang pagpapalitan ng mga kuro kuro, opinion, at karanasan bagkus ito rin ang nagiging paraan upang mas yumabong ang ating identidad bilang mga nagkakaisang Pilipino. Ito rin ang nagsisilbing behikulo upang mas makilala, mapayaman, at mapanatiling mulat sa mga alaala ng ating nakaraan, maipagpatuloy ang yaman ng ating kultura, at maipabahagi ang ating kasarinlan. Ngunit sadyang mapagkunwari ang tandhana na ang wika, na minsan, sa ibang banda, ay syang nagiging dahilan ng pagkakawatak watak ng sambayanan dahil sa mga di bukas na isipan, mga taliwas na dahilan, at mga hangaring ipinilit na ibuhol ang isang bagay na kailanman ay di uukol sa tawag ng panahon o hudyat ng pagkakataon.
Bilang mga bagong usbong na mamamayan na siyang magpapatuloy ng mga sinimulang adbokasiya ng mga dating bayani at mga bagong bayan ng bayan sa larangan ng pagpapayabong sa ating identidad at kultura bilang mga Pilipino, marapat lamang na simulan ang pagmamahal sa wika sa paraang maitagayud ang mga pamamaraang mag-aayos ng mga sighalot at di pagkakaitindihan sa ating mga sarili, pamilya, at komunidad. Ang pagmamahal at pagtataguyod sa sariling wika ang siya ring magpapalaya sa sarili upang mas magampanan ang mga nakaatang na responsbilidad bilang mga miyembro ng pamilya at komunidad.
Pagpapalaya sa sarili – Patuloy na pairalin ang pagmamahal sa sarili. Base sa pinominolohiya ng pagmamahal, nararapat na unahin ang sarili upang mas maibahagi ang pagmamahal sa iba. Di natin maibibigay ang pagmamahal sa iba kung hindi magsisimula sa atin. Ang intrapersonal na pakikipag-usap sa sarili ang isa sa mga malusog na pamamaraan upang mas maintindihan ang proseso ng buhay bilang isang inibidwal. Ito ang magmumulat sa sarili upang matuklasan ang mga tagong yaman sa puso at isipan na magsisilbing sulo sa pagtahak ng isang bukas na may pagmamahal at kalayaan. Sa pagkakataong nakilala na ang identidad bilang isang indibidwal dahil sa intrapersonal na komunikasyon, hindi tayo magiging marahas na magbitiw ng mga pananalita na maglulugmok sa atin. Di tayo magkukunwari sa mga bagay na alam natin na syang magkukubli sa ating pagkatao, di tayo magpapatuloy kung walang pagkakakilanlan, di tayo uusbong bilang indibidwal kung walang pagmamahal. Sa pagkakataong nakilala na natin ang ating identidad bilang isang indibidwal, mas magiging malaya tayo sa paggamit ng wika upang mas maipahayag ang mga sarili na hindi natatapakan ang karapatan ng iba.
Pagpapalaya sa pamilya – Kailanman ay hindi totoo ang perpektong pamilya, ngunit sa bawat kakulangan at di pagkakaintindihan sa pamilya ay maaari pa ring umusbong ang perpeksyon sa pamamaraang ikaw lang ang makakapaliwanag ng depinisyon “perpektong pamilya”. Hindi ito pormula na magiging kasagutan sa hindi perpektong pamilya, ito ay mga mungkahi lamang upang sa hindi pagiging perpekto ng pamilya ay mahanap natin ang salitang perpekto. Buksan ang mga linya ng pag-uusap sa loob ng pamilya. Di kailanman nagiging magulo ang pamilya kung bukas ang komunikasyon sa bawat miembro ng pamilya. Sa proseso ng pag-uusap, buksan ang tenga at makinig dahil ang pakikinig ang isa sa mga susi ng perpektong pag-uusap. Sa proseso ng pag-uusap, gumamit ng wikang marahan at naiintindihan. Walang problema ang hindi madadala sa mahinahon na usapan. Dahil sa nauna na nating mahalin ang sarili, mas magiging bukas tayo sap ag-iintindi sa sitwasyong ng pamilya, magiging bukas tayo sa mga kakulangang ekonomikal, mas magiging matatag tayo na panatilihing buo ang pamilya para sa pangarap mo at pangarap ng pamilya mo para saiyo. Sa pagkakataong ito magkakaroong tayo ng pagpapalaya sa pamilya – walang pagsisisi, pag-iimbot, at pag-aalinlangang magpatuloy sa mga hamon ng buhay.
Pagpapalaya sa komunidad – ang malayang komunidad ay binubuo ng mga indibidwal na may pagmamahal sa sarili at pagmamahal sa pamilya. Ang malayang komunidad ay may mahinahong daloy ng pag-uusap na laging isinasaalang alang ang pagkakaiba iba ng bawat isa sa identidad, sekswalidad, relihiyon, political, sosyal, at iba pa. At sa pagkakaiba iba ng bawat isa ngunit may paggalang sa karapatang pantao, tayo ay patuloy na magiging malaya bilang isang komunidad.
Hindi lingid sa ating kaalaman bilang mga Pilipino na ang ating wika ay di lamang nagiging daluyan ng isang makabuluhang pagpapalitan ng mga kuro kuro, opinion, at karanasan bagkus ito rin ang nagiging paraan upang mas yumabong ang ating identidad bilang mga nagkakaisang Pilipino. Ito rin ang nagsisilbing behikulo upang mas makilala, mas mapayaman, at mas mapanatiling mulat sa mga alaala ng ating nakaraan, maipagpatuloy ang yaman ng ating kultura, at maipabahagi ang ating kasarinlan.
コメント