top of page

Pagsilang, paglaki, pag-usbong: Ang matamorposis ng buhay

Ni Gregorio Marcial P. Atole Jr.


Nais kong ihandog sa inyo ang mga katagang isiniwalat ng malikhain kong panulat. Ang mga katagang ito ay mula sa pagsikhay at pagkalap ng impormasyon hango sa mga tunay na pangyayari.


Hangad ko ang maitatak sa inyong puso at isipan ang mga butil ng karunungan at pagpapahalaga. Ang mga ito ay pinanday ng panahon, pawis, at dugo upang maiparating sa inyo ang tunay na katotohanan sa sanlibutan. Sinasabing ang buhay ng tao ay maihahalintulad sa isang punongkahoy na may simula sa pamamagitan ng pag-ibig ng magulang sa isang anak ang iluwal sa mundong ibabaw. Katulad ng isang butil na tumubo, lumaki, at naging matayog.


Katulad ng tao, kapag isinilang ay nararapat na alagaan,mahalin at pahalagahan.Sapagkat kawangis ito ng isang anghel na hulog ng langit. Kung ibayong pagmamahal at pagpapahalaga ang ipapadama sa isang bagong silang, sa isang butil o punongkahoy at ito ay dinidilig na,may sapat na init ng pagmamahal ito ay magiging isang mabuting puno na hitik sa bunga na papakinabangan ng nakararami.


Ang halaman ay nalulugmok at namamatay kapag dinadaanan ng malupit na bagyo, ulan, unos, init, at iba pang parusa ng kalikasan. Ang pinakamasakit ay ang pag-aabuso ng tao sa kagandahan at kalusugan nito gaya ng pagpapabaya sa pag-aalaga, pagsisira ng mga bahagi nito, at lalung-lalo na kapag pinuputol ang mga mumunting punongkahoy para sa makamundong paghahangad. Ang tao ay nagkakasakit, nalulungkot, nalulugmok, at namamatay dahil sa suliraning nakakaharap. Gaya ng malupit na bagyong sumisira sa punong-kahoy, ang mga problema ay mga maiitim at maladambuhalang agila na kumikitil sa buhay ng isang indibidwal. Ang nilalang na ito ay walang kakayahan at tiwala sa sarili na mapaglabanan ang lungkot at pasakit.


Magkaganun pa man, ang indibidwal ay nagtatagumpay kahit anong unos ang dumating. Siya ay lumalaki at nagiging matayog katulad ng punongkahoy na may mga bungang maipagmamalaki at nakatutulong sa anumang panahon. Kahanga-hanga ang taong may lakas ng loob, paninindigan, at iba pang mabuting pag-uugali dahil hindi niya alintana ang mga suliraning bahagi ng buhay. Tunay nga namang, “Kapag May Buhay May Pag-asa”. Kapag ang isang indibidwal ay nagiging matayog at naging matagumpay sa kanyang bokasyon ay nakakatulong sa kapwa lalung-lalo na kapag siya’y may pusong mapagmahal, matulungin, maawain, at mapagparaya. Siya ay totoong tao na binasbasan ng Poong Maykapal at naikintal sa kanyang pagkatao ang pagtulong sa iba. May mga kakayahan at talento siyang magagamit sa pagbigay ng anumang mayroon siya sa kapwa. Ang mga bahagi ng punongkahoy lalung-lalo na ang malulusog nitong mga bunga ay mahalaga sa mga tao at mga bagay na umaasa sa mga magagandang dulot nito. Maaaring nagbibigay ito ng pagkain ng katawan at kaluluwa, nakapaglulunas ng anumang karamdaman at iba pang kabutihang inihahatid ng mga bahagi ng halaman o punongkahoy na magagamit sa pang-araw-araw na gawain.


Bawat bagay sa mundo ay napaparam at nalalagas. Kung may simula ay may wakas. Ito ang Alpha at Omega. Anumang bagay o nilalang na may pambihirang lakas, kapangyarihan o halaga ay nawawalan ng kabuluhan. Ang lahat ay pansamantala lamang sapagkat dumarating ang panahong lumilipas at namamatay ang bango, halaga, ganda, at kabutihang dulot ng mga bagay-bagay na naririto sa lupa.


Ang punongkahoy at ang tao ay kabilang sa mga bagay-bagay na ito na may simula at wakas. Dito sa mundo, lahat ay dumaraan sa paulit-ulit na proseso o siklo. Ngunit, ang prosesong ito ay dagliang magtatapos kapag dumarating na ang panahong kailangan nang tumigil sa paggawa. Nakakalungkot isipin na ang lahat ay may hangganan at kamatayan. Mabigat sa loob na lisanin ang malaparaisong daigdig na naging bahagi sa buhay ng mga nilalang at mga bagay-bagay na walang buhay ngunit may katuturan.


Ang kagustuhan ng panahon ay hindi mapupuksa at mababali. Darating ang panahon na ang lahat ay titigil sa paggawa sapagkat ang lahat may hangganan. Ang lahat ng bagay sa mundo napaparam. Kung mayroong lungkot, mayroong ding kaligayahan, tulad ng isang bulaklak na sariwa pa ang tangkay, lumilipas din ang kinabukasan.


Ang pahayag ng isang tanyag na awitin tungkol sa buhay.


Comments


bottom of page