People Power Na Ba?
- Bicolmail Web Admin

- Aug 16
- 3 min read

Gaya ng libo-libong Pilipino na nanuod sa impeachment hearing sa Senado nitong nakaraang Miyerkules, Agosto 6, hindi ko maiwasang magbigay ng aking opinyon sa aking mga narinig at sa pangkalahatang naging asta ng ating mga senador na tila baga nakalimutan na nila kung bakit sila inihalal ng taumbayan.
Bago pa man noong impeachment hearing, alam ko na kung sino sa mga senador ang pro-Duterte gaya nina Senador Bato de la Rosa, Bong Go, Imee Marcos, Rodante Marcoleta, Alan Cayetano, Mark Villar, Camille Villar, Robinhood Padilla at Jinggoy Estrada. Nakabase ang aking opinyon sa kanilang mga pahayag sa media tungkol sa impeachment at sa kanilang koneksyon sa mga Duterte lalo na sa dating presidente na ngayon ay nakakulong.
Kahit na magpakita ang Diyos sa mga nabanggit na senador, ako ay naniniwalang hindi na magbabago sa ngayon ang kanilang suporta sa mga Duterte lalo na sa mag-amang Rodrigo at Inday Sara. Gagawa at gagawa sila ng palusot sa harap ng Diyos dahil ang iniisip nila ay ang kanilang pampulitikang ambisyon at hindi ang mapanagot si Inday Sara sa mga bintang sa kanya ng mga mamamayan. Aaminin kong dito mahusay ang ating mga pulitiko. Gaya nga ng kasabihan, kapag ayaw may dahilan, kapag gusto may paraan.
Sa umpisa pa lang mula nang isumite sa Senado ayon sa Konstitusyon ang impeachment complaint laban kay Inday Sara noong Pebrero 5, 2025, kumilos kaagad forthwith ang mga pro-Duterteng mga senador hindi lang para ma-delay ang impeachment hearing kundi ito ay ma-dismiss.
Ang katagang ginamit ng mga inibidwal at grupong gustong panagutin si Sara ay “drinibol nang drinibol” ng Senado, sa pamumuno ni SP Chiz Escudero, ang impeachment complaint. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa: Niloko tayong mga mamamayan ng Senado. Kung ano-anong palusot ang ginawa ng Senado para ma-delay ang impeachment hearing hanggang napilitang makialam ang Korte Suprema.
Ayon sa Korte Suprema, ang impeachment complaint ng Kamara ay unconstitutional kaya “null and void” ito. Kaagad sinakyan ito ng Senado forthwith at ginamit nila ang kapasyahan ng Korte Suprema na “immediately executory” para magbotohan kaagad at i-block ang impeachment complaint laban kay Inday Sara.
Ito ang nangyari noong Agosto 6. Pormalidad na lang ang nasabing debate sa Senado dahil nakapag-desisyon na ang labing-siyam na Senador para i-block ang impeachment hearing. Nakapaghanda na sila in advance kung ano ang sasabihin para i-justify ang kanilang boto. Sabi nga ng iba, nagsayang lang ng oras ang mga nagdebate dahil may desisyon na ang mga Senador. Fli-nash nga sa TV na habang nagasasalita si Marcoleta ay nagtatawanan sina Senador Marcos, Padilla at Bato. Para bagang hindi nila sineseryoso ang proseso.
Ang ginawang pag-block ng Senado sa impeachment hearing ay pagtataksil sa taumbayan na gustong malaman at panagutin si Inday Sara sa kanyang pagtangka sa buhay ng presidente, sa kanyang asawa at Speaker ng Kamara at sa pag-aabuso kung paano niya ginastos ang confidential funds sa halagang P612.5 milyon.
Sabi nga sa isang panayam sa DZMM teleradyo ng isang Katulong na Propesor na si Arjan Aguirre ng Ateneo de Manila, “Sa tingin ko hindi ito pwedeng sabihin pulitika lang. Kasi itong mga gastos na ito na hindi nila na-explain, ito yong ano eh pinaka puno’t dulo ng impeachment na ito.”
Gaya ng inaasahan ang daming palusot ng mga Senador. Mahiya naman kayo.
Sabi ni Escudero pinupulitika raw ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Inday Sara.
Sabi naman ni Cayetano na mahilig mag-quote sa bibliya, talunin na lang daw si Inday Sara sa darating na halalan ng pagka presidente sa 2028.
Ayon naman kay Go “time to move on from the case”, para bagang ayaw niyang panagutin si Inday Sara.
Dagdag naman ni Bato de la Rosa na ang Korte Suprema raw ay binigyang gabay ng Espiritu Santo sa kanilang naging desisyon.
Si Padilla naman ay nag-file ng resolusyon para i-block ang impeachment ni Inday Sara at sinabi pa niya, “Kahit sunugin mo ako dito, mangangamoy Rodrigo Roa Duterte ako.”
Ang problema ay nakalimutan ng mga nasabing senador sa kanilang mga pahayag na sila ay inihalal ng mga mamamayan para gawin ang tama, para panagutin ang mga pulitikong may paratang na may ginawang katiwalian gaya ni Inday Sara.
Bakit ba mas mahalaga sa Senado ang kapakanan ni Inday Sara kaysa sa interes ng mamamayan?
Bakit ba mas pinoprotektahan ng Senado si Inday Sara kaysa panagutin ito sa mga kasong nakalahad sa impeachment complaint laban sa kanya?
Bakit ba ayaw ng Senado na marinig ang mga ebidensya laban kay Inday Sara?
Sinabi ni Senador Bam Aquino na ang Senado ay ang “last bastion of democracy” sa ating bansa. Kung ang huling balwarte ng demokrasya sa ating bansa ay hindi na maaasahan ng mga mamamayan na itaguyod nito ang kapakanan ng nakararami, ano ang dapat gawin ng taumbayan?
People Power na ba?

Comments