top of page

Robin Padilla: Parang Estudyanteng Nag-enrol sa Advanced Algebra Class

  • 21 hours ago
  • 3 min read

Excited ako tuwing may tinatanong si Senador Robin Padilla sa impeachment hearing dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin o itatanong niya. Kung minsan natutuwa ako sa mga tanong o sinasabi niya. Kung minsan naman ako ay napapaisip at namamangha kung paano siyang mag-isip. Sa totoo lang, na-mimiss ko siya pag-absent sa impeachment hearing dahil iba siyang mag-isip kung ihahambing sa ibang senador-judges. Isip talangka, sabi ng iba.


Minsan tinawag niyang “one-sided” ang prosekusyon. Napaisip ako dahil malinaw sa akin na tungkulin talaga ng prosekusyon na maging one-sided para i-argue ang kanilang kaso. Hindi naman ako abogado pero common sense na hindi pwedeng maging neutral ang prosekusyon kung gusto nilang ma-convict ang respondent.


Minsan naman tinanong nya ang testigo ng prosekusyon kung taga saan siya at kung saan siya nagtapos. Nang malaman niyang taga- Baguio ang testigo at sa St. Louie University nagtapos, sinabi kaagad ni Robin, na medyo nakatawa pa nga, na siya raw ay ganon din. Ano ang relevance ng ganitong mga tanong? Gusto bang ipahiwatig ni Robin na siya ay tapos din ng college gaya ng testigo para paniwalaan natin siya?


Si Robin din ang may tanong, kung hindi ako nagkakamali, na sinungaling daw ba ang testigo kung magbago siya ng affidavit. Mukhang hindi alam ni Robin na may prosesong legal kung bakit nagbabago ng affidavit ang isang testigo at hind ito automatic na ang testigo ay sinungaling.


Natatandaan ko nang pinag-uusapan ang intelligence funds ni Inday Sara sa trial, pinipilit ni Robin na hindi raw umatake ang CPP/NPA/NDF noong anibersaryo nila noong Disyembre 26 (CPP), Marso 29 (NPA) at Abril 24 (NDF) dahil ito rin daw ang mga petsa ng disbursement checks na naging dahilan kung bakit hindi umatake ang mga nasabing armadong grupo. Wala naman siyang binigay na mga ebidensya para patibayan itong supposition niyang ito. Mahilig siyang gumamit ng historical trivia para ipagtanggol ang paggamit ng confidential funds ni Sara Duterte at, marahil, upang ipakita na mayroon siyang kaalaman sa kasaysayan.


Nitong nakaraang huling impeachment hearing, bumanat na naman si Robin. Pinilit niyang iugnay ang paggamit ng mga alyas sa panahon ng digmaan at rebolusyon at pananakop sa mga alyas na sangkot sa paggamit ng confidential funds. Sinabi niyang ang mga NPA ay gumagamit din ng mga alyas ganon din ang mga bayaning Pilipino noong panahon ng Kastila at ganon din raw ang mga beneficiaries ng intelligence at confidential funds.


Kahit ipinaliwanag ng abogado ng prosekusyon na iba ang legal na konteksto ng Anti-Alias Law at ng confidential funds, hindi pa rin maunawaan ni Robin na hindi iyon ang isyu sa kasalukuyang impeachment trial. Sinabi nga ng depensa na “non-issue” sa kanila ang paggamit ng mga alyas.


Sa gitna ng sagutan ni Robin at ng abogado ng prosekusyon, biglang binuhay ni Robin ang yumaong si Ninoy Aquino. Biglang tinanong ni Robin ang abogado ng prosekusyon kung kilala niya si Marcial Bonifacio, na alyas ni Ninoy. May alyas din daw ang mga bayani kaya valid ang paggamit ng Mary Grace Piattos, Pusa, Belat, Pagong. Parang all-knowing siya kung umasta, pero hindi naman naka-base sa tamang lohika ang mga sinasabi.


Mabuti na lang sumagot si Senador Bam Aquino na inamin na totoong alyas ni Ninoy ang Marcial Bonifacio pero wala siyang confidential funds at hind siya kasama sa AR (acknowledgment receipts) roll call.


Para sa akin, maliwanag na out-of-order si Robin sa paggamit ng mga alyas ng mga bayani at ni Ninoy para i-justify ang mga alyas ng mga tumanggap ng confidential funds. Hindi ko talaga makita ang koneksyon. Gumamit na naman si Robin ng mga historical facts para sa maling pag-justify ng paggamit ng confidential funds ni Sara Duterte.


Ayaw ko naman tawaging bobo si Robin. Sa halip kulang sa logic o lohika kung mag-isip at hindi bihasa sa legal reasoning kaya hindi aligned ang kanyang mga tanong sa proseso ng korte. Para bang nagdudunong-dunungan. Para siyang isang estudyanteng nag -enrol sa advanced algebra class gayon hindi pa siya bihasa sa arithmetic.


Lumalabas din ang kanyang lubusang pagsuporta kay Digong at, by extension, kay Inday Sara. Kilala si Robin sa kanyang matibay na pagsuporta sa mga Duterte nang sinabi niya: “Kahit sunugin mo ako dito, mangangamoy Rodrigo Roa Duterte ako.”


Sa simpleng pananalita, si Robin ay hindi lang mangangamoy Rodrigo Duterte gaya ng kanyang sinabi. Nangangamoy na rin siyang Sara Duterte bilang isang senator-judge.


Comments


bottom of page