top of page

Si Sara D sa Aking Paningin



May mga away politika na nangyayari sa bansa natin ngayon. Nandiyan ang away ng mga Duterte at ni Presidente Bongbong Marcos na kung tawagin ng ibang mga tao ay away ng mga “Unithieves.” Nandiyan din ang away ng Bise–Presidente na si Sara Duterte at House Speaker na si Martin Romualdez. At, kamakailan lang ay napakinggan ng sambayanan ang interbyu ni Tunying Taberna kay Unang Ginang na si Liza Araneta-Marcos kung saan inilabas ni Liza ang kanyang sama ng loob kay Sara. Pati nga mga bloggers ng mga Duterte at ng administrasyon ni Marcos ay sumasawsaw din sa nasabing away politka.


Sa totoo lang, ang pinag-aawayan ng pamilya Duterte at ng pamilya Marcos at Romualdez ay kung sino ang dapat maging pangulo sa 2028. Limang taon pa bago ang halalan sa 2028 ay nag-uumpisa na ang paghahanda ng mga may politikong gustong maging pangulo ng bansa sa 2028.


Tingnan natin si Sara Duterte na alam ng lahat ay may ambisyon na maging presidente. Siyempre ang nasa isip ni Sara ay kung saan siya kukuha ng pondo habang pinapalakas niya ang kanyang base at pinapabango niya ang kanyang pangalan bago mag-2028.


Marami ang nagsasabi na dapat mag-resign na si Sara bilang Kalihim ng Departamento ng Edukasyon dahil hindi siya kuwalipikado maging kalihim dala ng kulang sa karanasan at kaalaman sa larangan ng edukasyon.


Lumalakas din ang panawagan kay Sara, na kung may delikadesa siya, dapat mag-resign na siya sa kabinete dahil sa panawagan ng kanyang kapatid na si Baste Duterte, alkalde ng Davao, na mag-resign na si Presidente Bongbong Marcos. Ganon din si Digong Duterte na tinawag pa ngang “bangag” at “weak leader” ang presidente.


Hindi nakapagtataka ang sagot ni Sara sa panawagang siya ay magresign. Patuloy na dine-dedma ni Sara ang ganitong panawagan dahil alam niyang malaki ang budget ng nasabing departamento na puwede niyang gamitin sa iba’t-ibang paraan para i-build up ang kanyang pangalan at reputasyon. Ang budget na inaprobahan ng Senado para sa Departamento ng Edukasyon para sa taong 2024 ay P924.7 bilyon.


Ano ang tawag sa isang empleyado na ayaw magresign sa isang trabaho kahit alam niyang hindi siya kuwalipikado? Anong tawag sa isang empleyado na hindi man lang ipagtanggol ang kanyang boss sa mga batikos ng kanyang ama at kapatid? Oportunistsa, di ba?


Pagdating naman sa isyu ng sobereniya, iniiwasan ni Sara na magbigay ng kanyang posisyon sa mga isyung medyo sensitibo at alam niyang ikagagalit ng mga Pilipino gaya ng pag-bubully ng Tsina sa Pilipinas. No comment si Sara. Ito ang kanyang pamamaraan para hindi magalit sa kanya ang mga Pilipino.


At kung bumanat naman si Sara, ang binabanatan niya ay si Martin Romualdez na posible niyang maging katunggali sa pagka-pangulo sa 2028.


Ipauubaya ko na sa mga makakabasa nitong artikulo kung bakit hindi man lang punahin ni Sara si Pastor Apollo Quiboloy sa karumal-dumal niyang mga ginagawa bilang isang “Appointed Son of God.” Ang nakakainis ay todo suporta pa siya kay Quiboloy na inaamin niyang matalik na kaibigan. Ang hindi niya inaamin ay ang mga botong mawawala sa kanya kung sakaling ilaglag niya si Quiboloy na patuloy niyang ipinagtatanggol.


Nitong nakaraang Pebrero kung saan isinaalaala ng mga Pilipino ang EDSA People Power Revolution, nagbigay si Sara ng pahayag na kung saan sinabi niya sa wikang English, “On this day, we commemorate the brave souls who stood united on the streets of EDSA, fighting for democracy and freedom. Their courage and determination paved the way for a better Philippines, and their sacrifices will never be forgotten.”


Ang ganda sana ng sinabi ni Sara kaso makalipas ang ilang oras binawi ni Sara ang kanyang mga sinabi. Bakit? Iyang ang tanong. Ang tingin ko baka napagsabihan siya ng administrasyong Marcos na bawiin ang kanyang sinabi dahil para niya na ring kinontra ang mga Marcos na gustong baguhin ang tunay na nangyari noong Rebolusyon ng EDSA. Marunong makipaglaro si Sara kung ito ay para sa kapakanan ng kanyang ambisyon.


Tipikal na politiko si Sara na gustong sundan ang yapak ng kanyang amang si Rodrigo Duterte na naging uhaw sa kapangyarihan at ibinenta ang bansa natin sa Tsina na naging mitsa kung bakit magulo ngayon ang relasyon natin sa Tsina. Gaya ng kaniyang ama, si Sara ay maka-Tsina rin.


Lumalabas sa kanyang mga sinasabi o ginagawa na wala talaga siyang prinsipyo. Hindi ang paninilbihan sa mga tao ang kanyang layunin kung bakit gustong maging presidente kundi ang maging makapangyarihan at masunod ang kanyang mga gusto.


Bigla ko tuloy naisip ang dating presidente na si Cory Aquino. May mga patakaran si Cory na hindi ko sinang-ayunan, gaya ng pagsuporta niya sa base militar ng Amerika sa Pilipinas. Subalit bilang isang pangulo, hindi siya nagpayaman sa posisyon niya gaya ng mga Duterte at hindi rin niya ginamit ang kaban ng bayan para sa kanyang pansariling interes na sinubukan gawin ni Sara sa pamamagitan ng naunsiyaming “confidential funds.”


Si Ninoy Aquino naman ay handang ialay ang kanyang buhay para sa mga Pilipino. Sabi niya, “The Filipinos are worth dying for.” At pinangatawan niya ito.


Ganito rin kaya si Sara? Ako ay may malaking pagdududa.


Alam naman natin ang script o estilo ng mga politiko pag panahon na ng kampanya: Lahat sila para sa mahihirap, lahat sila laban sa katiwalian, lahat sila para sa pagbabago, lahat sila ay makabayan. Nakikita ko na si Sara na ganito ang kanyang bukang-bibig pagdating ng kampanyahan sa 2028.


Alam kong malayo pa ang 2028. Subalit pagdating sa kung paano umasta si Sara ngayon sa pananalita at sa gawa, hindi siya ang huwarang lider na hinahanap ko dahil mas nangingibabaw sa kanya ang personal na interes at hindi ang interes ng mga mamamayan at ng bansa.

bottom of page